ISANG trap ang inimbento ng mga hunters para mahuli nila ng buhay ang mga unggoy sa gubat ng Africa para ibenta sa mga zoo sa Amerika.
Nilagyan nila ng masarap na nuts ang loob ng mabigat na bote. Ang bote ay may mahaba at makipot na “leeg”. Ang mga boteng may masarap na nuts ay ikinalat ng mga hunters sa gubat na tinatambayan ng mga unggoy. Iniwan nila ang mga bote sa buong magdamag.
Kinabukasan, maraming unggoy ang na-trap ang kamay sa mga bote.
Ganito kasi: Sa kagustuhan ng unggoy na makuha ang nuts sa loob ng bote ay ipapasok nila ng kanilang kamay. Ang problema, makipot ang leeg ng bote kaya kapag ilalabas na nila ang kamay na may hawak na nuts ay hindi na nila mailabas sa bote ang kamay. Kailangan nilang bitawan ang nuts para mailabas nila ang kanilang kamay. Kaso, dahil sa katakawan sa nuts, ayaw nilang bitawan ito. Tinitiis nilang nakadikit ang mabigat na bote sa kanilang kamay. Dahil sa bigat ay hindi sila makaalis sa kinatatayuan nila kaya madali silang nahuhuli ng mga hunters.
Mapapangisi ka sa katangahan ng mga unggoy pero minsan… masakit man tanggapin, nagiging tanga rin tayo kagaya nila. Ang mabigat na bote ay maihahalintulad sa sama ng loob at galit sa mundo na kinikimkim ng mga tao sa kanilang dibdib. Puwede namang kalimutan ang lahat at mag-move forward pero mas piniling manatili ang bigat sa kanyang dibdib at magmukmok. Kaya ang resulta ay hindi niya makamit ang kaligayahan at katahimikan ng buhay.