ONLY in the Philippines na ang mga maimpluwensiyang nakakulong ay parang nagbabakasyon lang sa kinalalagyang selda. Kumpleto sila sa kagamitan – may kama, banyo, aircon, ref at iba pa. At mas matindi na kapag gustong lumabas para bisitahin ang negosyo o pag-aaring gusali, maaaring gawin dahil nakaantabay lang ang sasakyan na may sariling drayber. Habang nangyayari ito, marami namang bilanggo na nagsisiksikang parang sardinas sa selda at nagkakahawahan ng sakit.
Pero mas matindi pala ang kakamting treatment ng mga akusado sa pork barrel scam. Mabuti pa nga ang mga bilanggong VIP sa National Bilibid Prison (NBP) dahil kahit paano naroon sila sa Munti, pero ang mga inaakusahang sangkot sa pork barrel ay nasa mga maaayos na kulungan --- may kama, electric fan, sariling banyo at ang iba ay naka-hospital arrest na bantay sarado sa mga doctor at nurse.
Ang reyna ng pork barrel scam na si Janet Lim Napoles na nakapagbulsa umano ng P10-bilyon ay nasa 32-square meters na kulungan sa Fort Sto. Domingo. May sariling kama, electric fan at may banyo. Ginagastusan pa siya ng Philippine National Police (PNP) tuwing may hearing sa Sandiganbayan.
Ang tatlong senador na sangkot sa scam ay nakapiit din sa maayos na kuwarto sa Camp Crame na maaaring dalawin sa mahabang oras ng kanilang mga kamag-anak. Kung hindi binatikos ang mahabang oras ng dalaw kina Senators Jinggoy Estrada at Bong Revilla ay baka hanggang ngayon ay patuloy ang kaluwagan sa kanila. Si Sen. Juan Ponce Enrile ay nasa PNP Gen. Hospital sa Crame at maaaring doon na siya manatili.
Ang Chief of Staff naman ni Enrile na si Atty. Gigi Reyes ay maaaring manatili rin sa Philippine Heart Center dahil umano sa paninikip ng dibdib. Hindi na umano nakatuntong sa Camp Bagong Diwa si Reyes sapagkat isinugod agad sa isang ospital sa Taguig at ang sabi ng kanyang mga doctor ay nanginginig at hindi makahinga. Isinugod agad siya sa Heart Center at hanggang sa kasalukuyan ay naroon pa.
Hindi parehas ang trato sa mga bilanggo. Habang maraming may sakit at namamatay sa mga bilangguan, ang mga sangkot sa pagbubulsa ng pera ng bayan ay nasa magandang kalagayan. Only in the Philippines.