EDITORYAL - Kumikilos ba vs cocolisap?

MABAGAL ang aksiyon ng Department of Agriculture laban sa peste ng niyog na tinawag na cocolisap. Hanggang ngayon, wala pang gamot o pesticide na ginagamit para mapatay ang mga cocolisap. Ang cocolisap umano ay mga puting insekto na sinisira ang bunga at dahon ng mga niyog. Kapag kinapitan ng cocolisap ang punong niyog mabilis na kakalat at maninilaw ito. Ayon sa report, mahigit P200 million na ang lugi dahil sa pinsalang hatid ng cocolisap sa industriya ng niyog at bawat araw ay nadadagdagan sapagkat parami nang parami ang mga nasisira.

Unang napabalita ang cocolisap noong nakaraang taon nang pestehin ang mga niyog sa isang bayan sa Batangas. Kasunod niyon ay napabalita na ang pagkalat sa Quezon, Cavite at Laguna. At ayon pa sa report, kumalat na rin sa Polilio Island at meron na rin daw sa Davao.

Mas mabilis ang pagkalat ng cocolisap kaysa sa pagkilos ng DA upang mapatay ang peste. Nakapagtatakang noon pa palang isang taon ito napabalita pero walang naririnig kay DA sec. Proceso Alcala. Masyado bang narindi sa mga paratang ukol sa pork barrel scam kaya hindi nabigyang pansin ang mga cocolisap? Hanggang ngayon hindi mahagilap si Alcala para mahingan ng paliwanag at plano ukol sa cocolisap. Mabuti na lang at inilagay ni President Aquino si dating senador Francis Pangilinan bilang Presidential Assistant on Food Security and Agricultural Modernization, kung hindi ano ang mangyayari sa DA. Nakisabay sa problemang cocolisap ang paglutang ng mga buwitreng rice traders na nagre-repacked ng NFA rice sa kanilang bodega at ipagbibili nang mahal sa mamamayan.

Kamakalawa, sinabi ng Bureau of Plant Industry na hindi lamang niyog ang pinipeste ng cocolisap kundi pati na rin ang mangosteen at lansones. Ipinag-utos ang pag-quarantine sa mga nasabing prutas at higpitan ang pagdadala nito sa iba pang lugar para maiwasan ang pagkalat.

Kailangan ang pagkilos ng DA sa problemang ito. Hindi ordinaryong problema ito sapagkat ang sangkot ay para sa pagkain ng sambayanan. Baka pati palay ay pestehin din ng cocolisap. Kilos na DA!

Show comments