KAKAIBA ang nangyayaring “lluvia de peces” o pag-ulan ng mga isda sa Honduras. Hindi ito isang kuwento o alamat lamang.
Taun-taon sa bayan ng Yoro sa Honduras, nakararanas ang mga residente ng kakaibang panahon. Tuwing Mayo o Hunyo ay inuulan ang nasabing bayan ng mga isda pagkatapos daanan nang malalakas na bagyo.
Hindi na naninibago ang mga taga-Yoro sa kakaibang pangyayaring ito at sa katunayan nga ay nagsasagawa sila ng pista taun-taon upang ipagdiwang ang pag-ulan ng mga isda sa kanilang bayan. Binansagang “Festival de la Lluvia de Peces”o piyesta ng pag-ulan ng mga isda, ang taunang kasiyahan ay isinasagawa na may kasamang mga parada at karnibal.
Pinaniniwalaan ng mga taga-Yoro na nagsimulang mangyari ang pag-ulan ng isda sa kanilang lugar 100 taon na ang nakararaan nang magdasal ang isang pari sa kanilang bayan na sana ay umulan ng pagkain para makakain ang napakaraming nagugutom sa Yoro. Natupad ang dasal ng pari at himalang umulan ng mga isda.
Naniniwala naman ang mga eksperto na ang sinasabing pag-ulan ng mga isda ay sanhi nang malalakas na ulan sa Yoro. Maaaring tumataas ang lebel ng tubig kapag malalakas ang ulan na nagdudulot para sa mga isda na lumangoy sa mga bahagi ng kalupaan na walang tubig dati. Ang mga isdang ito ay naiiwan sa lupa kapag bumaba na ang lebel ng tubig pagkatapos ng ulan at napagkakamalan na mga isdang pumatak mula sa langit.
Gayunpaman, ang paliwanag na ito ay hindi masyadong pinapansin dahil mas gusto ng mga tao sa Honduras na isagawa ang kanilang tradisyunal na pista taon-taon at patuloy na maniwalang ang mga isda ay nahulog mula sa langit.