DAPAT iparamdam ng gobyerno ang puwersa ng batas sa sinumang negosyante na sangkot sa pag-ipit ng suplay ng ilang produkto tulad ng bigas, bawang at iba pang pangunahing bilihin.
Madalas, ningas-kugon ang gobyerno sa kampanya at pagtugis upang mapanagot at maparusahan ang mga mapagsamantalang negosyante sa bansa.
Sa ngayon, agresibo ang gobyerno na habulin ang mga trader na nagmamanipula ng suplay at presyo ng bigas at ilang bilihin. Pero hangga’t walang nakakasuhan at naipakukulong, magpapa ulit-ulit lang ang problemang ito.
May natukoy nang sangkot sa smuggling sa bigas tulad ni Davidson Bangayan subalit hanggang ngayon ay wala pang naikakaso sa kanya.
Hindi na bago ang mga ganitong sitwasyon na biglang tumataas ang presyo ng bigas at iba pang bilihin dahil hindi napapanagot ang mga responsible.
Maging ang mga senador ay ilang beses na ring nagsagawa ng imbestigasyon pero wala ring nangyari. Wala pa ring naipakukulong na abusadong negosyante.
Pero kung may maipapabilanggong abusadong negosyante, magsisilbi itong babala sa lahat at maaaring masugpo na ang problema.
Bukod sa mga negosyanteng abusado, dapat ding panagutin ni P-Noy ang mga opisyal ng gobyerno na nakikipagsabwatan sa NFA kaya lumala ang problema sa presyo ng bigas.
Mahihirapang makapagsamantala ang mga negosyante kung walang kasabwat na opisyal ng gobyerno.