NOONG Huwebes ng gabi, umulan nang malakas sa maraming lugar sa Metro Manila. Agad bumaha sa Maynila, Makati at Pasay at C5 road. Hanggang tuhod agad ang tubig sa Taft Avenue at ganundin sa Buendia at Pasong Tamo Ext. Dahil sa pagbaha, nagkaroon ng grabeng trapik. Hindi na gumalaw ang mga sasakyan. Walang nagawa ang mga pasahero kundi ang bumaba at maglakad sa baha. Kung hihintayin nilang gumalaw ang trapiko ay aabutin sila ng umaga. Marami ring nainip sa paghihintay ng sasakyan kaya naglakad na lamang.
Ang nakapagtataka, wala man lang MMDA traffic enforcers na nagsasaayos ng trapiko gayung maaga pa nang umulan at dapat nasa kalye pa ang mga enforcers. Nasaan na sila sa panahong kailangan sila ng mga motorista? Natakot ba sa ulan at baha kaya nagsiuwi na? O baka nakapangotong na kaya wala nang pakialam kung magkabuhul-buhol man ang trapiko at abutin nang madaling-araw sa kalye ang mga pasahero at motorista.
Noong nakaraang buwan, sinabi ni MMDA chairman Francis Tolentino na maglalagay sila ng traffic enforcers sa gabi para magmantini ng trapik lalo kung umuulan. Ayon kay Tolentino, hanggang alas singko lamang ng hapon ang mga traffic enforcers kaya wala nang makikita sa gabi. Sa ilalagay daw nilang enforcers sa gabi, matutulungan din ang mga nasisiraan ng sasakyan lalo na kung bumabaha.
Nasaan na ang mga panggabing traffic enforcers? Nagtago na rin sa dilim makaraang bumuhos ang ulan? O napuno na ang bulsa dahil sa dami ng nakotongan? Nagngingitngit ang marami sapagkat kung kailan kailangan ang traffic enforcers, saka sila nawawala. At kapag maganda ang panahon, saka sila kumpol-kumpol sa kalye (na tila nag-aabang nang masisila).