HINDI naman malaking bagay ang pagsinok lalo na kung hindi naman ito lumalagpas ng ilang minuto. Ngunit para sa isang lalaki sa U.S., naging isang malaking parte ng kanyang buhay ang pagsinok. Paano’y umabot nang halos pitong dekada ang kanyang pagsinok.
Nagsimula ang pagsinok ni Charles Osborne noong 1922 nang siya ay maaksidente habang nagtatrabaho sa kanyang bukid sa Iowa. Dahil sa aksidente, pumutok ang isang litid sa kanyang utak na siyang sanhi ng kanyang walang katapusang pagsinok. Ang litid na napinsala ang pumipigil sa ating pagsinok kaya nang pumutok ito sa kaso ni Charles ay hindi na tumigil ang kanyang pagsinok.
Marami na siyang sinubukan upang mawala ang kanyang pagsinok ngunit walang nangyari. May mga naniniwalang ang pagkagulat ay nakaaalis ng pagsinok, kaya minsan, ginulat si Charles ng isa niyang kaibigan sa pamamagitan ng pagpapaputok ng shotgun habang siya ay nasa likuran ni Charles. Labis na nagulat si Charles sa putok ng shotgun ngunit hindi rin naalis ang kanyang pagsinok.
Kahit paano ay naging normal naman ang buhay ni Charles sa kabila ng kanyang kondisyon. Nakapangasawa siya at nagkaroon ng trabaho. Iyon nga lang, kinailangan muna niyang i-blender ang kanyang mga kakainin upang maiwasang mabilaukan dahil sa walang tigil niyang pagsinok. Natutunan din niyang kontrolin ang kanyang paghinga upang hindi maging malakas ang ingay na dulot ng kanyang pagsinok.
Noong 1990, himalang tumigil ang pagsinok ni Charles. Pero sumunod na taon, binawian siya ng buhay. Kahit paano, nakaranas naman siya ng normal na pamumuhay na hindi sinisinok kahit sandali bago namatay.