Imported Chocolate Drink
MAY isang panahon sa aming buhay na ang Milo at Ovaltine ay isang “luxury thing” sa aming hapag-kainan. Ibig sabihin, bihira kaming makatikim nito dahil mahal. Ang aming budget ay strictly for bigas and ulam only. Madalas sabihin ng aking ina: “Hindi ka mamamatay kung walang tsokolate; pero nakakamatay kung walang kanin at ulam na dadaan sa iyong bituka.”
Minsan ay tinawag ako ng aking tiyo, asawa ng kapatid na aking ama. Tanda ko ay nasa grade 3 ako noon. Dalawa kaming pamilya na magkakasama sa ancestral house ng aking ama. Akala ko ay kung anong napakaimportanteng bagay ang sasabihin sa akin. Nasa harapan kami ng cupboard kung saan nila itinatago ang kanilang groceries.
“ Nakikita mo ang tsokolateng ’yan?”
Tiningnan ko. Iyon ang chocolate na padala ng kanyang kapatid na nasa US. Iyon din ang naamoy kong chocolate powder na nakita kong tinitimpla nilang mag-anak sa mainit na tubig noong isang umaga. Nang tumango ako, muling nagsalita ang aking tiyo.
“Huwag mong pakikialaman ’yan. Kapag nabago ang ayos n’yan ay ikaw ang pagbibintangan ko.”
Ang isang bata ay hindi maghahangad ng bagay na nasanay siyang wala. Pero sa pagkakataong iyon, na ako ay pinagbantaan na huwag pakikialaman ang kanilang chocolate, bigla kong hinanap ang mga bagay na wala kami. Bakit lagi kaming “wala” ng mga bagay na “meron” sila? Hindi naman ako magnanakaw, bakit kailangan pa akong takutin? Iniwan ako ng aking tiyo na nakatingala pa rin sa cupboard na kinalalagyan ng chocolate. Sa kauna-unahang pagkakataon, nakadama ako ng awa sa aking sarili. Napahikbi ako. Iyon bang iyak na wala masyadong luhang lumalabas pero sobrang maantak sa dibdib.
Namatay ang aking tiyo nang panahong kumikita na ako pero hindi pa rin ako bumibili ng chocolate drink dahil hindi ako gaanong mahilig uminom nito. Naka-video ang kanyang libing. Napanood ko ang video. Habang nag-iiyakan ang lahat ng mahal sa buhay ng aking tiyo, ako ay nakamasid lamang sa isang sulok. Napansin iyon ng aking nanay. “Nguya ka nang nguya sa video habang nag-iiyakan ang mga pinsan mo. Lahat ay nag-iiyakan. Ikaw lang ang hindi.” Napangisi ako. Pati pagnguya ko ay napansin. Sa loob-loob ko lang: “Pinaiyak na niya ako noong araw, tama na ’yun.”
Ang episode na ito ng aking buhay ay minsan ko nang naisulat dito sa Diklap pero naalaala kong isulat muli dahil kagabi ay napanaginipan ko ang tiyo kong ito. Sinigawan ko raw siya at minura dahil pinagbintangan akong nagnakaw ng kanyang pera. Buti naman at kahit man lang sa panaginip ay naipaglaban ko ang aking dignidad. Nang magising, hindi ko maiwasang mapatawa.
- Latest