Uok (197)

“PAYAG kang ipagamit ang lupa n’yo Gab para maging breeding area ng Uokcoco?” tanong ni Drew.

“Oo. Wala namang nakatayo sa lupa e gamitin para mapakinabangan.’’

‘‘Baka magalit ang Daddy mo?’’

“Hindi. Sa akin na ang lupang yan. Naisalin na ni Daddy sa pangalan ko noong bago pa siya magkasakit. Kaya wala kayong dapat ipag-worry.’’

‘‘Magkano mo naman pauupahan ang lote mo?’’

‘‘Bahala kayo. Kung ano  ang ibigay n’yo walang problema. Ang mahalaga ay magkaroon nang malaking breeding facilities ang mga Uokcoco. Malaking tulong sa mga coconut farmers ang Uokcoco.’’

Niyaya ni Drew sina Gab sa labas para tingnan ang lote. May bakod ang lote. Malinis na malinis ang loob dahil inalis na ang bahay.

“Malaki pala ang lote mo, Gab,’’ sabi ni Drew.

‘‘Two hundred square meters ang sukat nito, Drew. Sabi ni Daddy, bahala raw ako kung ano ang gawin dito.’’

“Tamang-tama ito, Gab,’’ sabi ni Tiyo Iluminado na noon lang nagsalita. Medyo nahihiya pa siya kay Gab.

“Gamitin n’yo ito Tiyo Iluminado. Ngayong kailangang-kailangan ang Uokcoco dahil sa mga peste, malaking bagay ang pagkakaroon nang sapat na breeding facilities.’’

“Salamat Gab.’’

‘‘At sa palagay ko, kahit siguro si Daddy pa ang may-ari ng lupang ito hindi niya ito ipagkakait.’’

‘‘Iyon nga rin ang palagay ko. Mabait si Sir Basil alyas Uok.’’

Napangiti lamang si Gab. Alam niya, galit si Tiyo Iluminado sa kanyang daddy dahil sa nangyari noon. Pero gusto nang makipagbati ni Sir Basil kay Tiyo Iluminado. Gusto na nitong makipagkaibigan at kalimutan ang mga nangyari.

“Mas maganda po Tiyo Iluminado ay umpisahan na ang construction ng Uokcoco breeding house,’’ sabi ni Drew.

“Oo. Bukas, hahanap ako nang mga mahuhusay na karpintero.’’

“Ipakontrata mo na Tiyo. Kailangan ay mahusay ang gagawa sa breeding house. Wala namang problema  sa ibabayad dahil marami nang kinita ang mga Uokcoco sa loob ng isang buwan.”

‘‘Sige Drew, ganyan ang gagawin ko.’’

Nag-uusap pa sila nang walang anu-ano’y may mga taong dumating. Nagkatinginan sina Drew at Gab.

“Ano ang ingay na iyon?’’

“Teka at titingnan ko,’’ sabi ni Tiyo Nado.

Maya-maya nagbalik si Tiyo Nado.

“Mga bibili ng Uokcoco. Mga mayayaman mula sa San Pablo. Nabalitaan daw nila ang husay ng Uokcoco.”

(Itutuloy)

 

Show comments