‘Election fever’
Malayo pa ang eleksyon pero, ramdam na ang maagang pagsiklab ng ‘election fever’ , dahil ngayon pa lamang sunud-sunod na ang nagaganap na pamamaslang sa ilang government officials lalo na sa mga lalawigan, isama pa ang iba pang insidente ng karahasan.
Isa rito ang pagpaslang kay Urbiztondo Mayor Ernesto Balolong Jr. noong nakalipas na Hunyo 7 sa Brgy. Poblacion, Urbiztondo, Pangasinan.
Nasawi rin sa nasabing insidente ang bodyguard ng mayor na si PO1 Eliseo Ulanday at empleyadong si Edmund Meneses, habang tatlo pa ang nasugatan.
Mayo 28 naman nang napatay sa ambush si Laak, Compostela Valley Mayor Reynaldo Navarro at ikinasugat din ng dalawa nitong escort.
Hunyo 8 inambush at nasawi si dating Mataas na Kahoy Mayor Arnulfo Rivera sa Brgy. Calingatan sa nasabing bayan.
Dito naman sa Metro Manila, hindi nga ba’t nakakaalarma rin ang naganap na pamamaslang sa mga barangay officials, marami ang naitalang ganitong insidente sa Caloocan City.
Ang lahat sinasabi o pinaniniwalaang may kinalaman sa politika.
Nakakaalarma ang ganitong mga pangyayari, isipin pang napakalayo pa ng halalan.
Paano na kung talagang napaÂkalapit na ng eleksyon o mismong araw na ng eleksyon?
Ito na nga yata ang mukha ng pulitika sa bansa, talagang nagiging mainit at marahas.
Kaya nga ngayon pa lamang dapat na marahil na mapaigting ng mga awtoridad o ng mga kinauukulan ang pagsamsam sa mga nagkalat na mga loose firearms na sanhi ng ganitong mga karahasan. Tutukan din ngayon pa lang ang mga private army ng ilang mga politiko na ugat din ng matinding mga kaguluhan.
- Latest