Uok (176)
“HINDI ko alam kung sino ang pumatay kay Luningning, Drew. Wala akong alam kung sino ang maaaring pumatay sa kanya,’’ sabi ni Tiyo Iluminado.
“Saan po siya inilibing?’’
“Hindi ko rin alam. Nang matagpuan sa ilog ay agad nang dinala ng mga pulis at hindi ko alam kung ano na ang nangyari. Maaaring dinala ng mga kamag-anak sa kanilang bayan at doon inilibing.’’
“Hindi po taga-rito sina Luningning?’’
“Ang alam ko taga-ibang bayan sila pero dito na nag-aral si Luningning.’’
“Sino nga kaya ang pumatay sa kanya?’’
‘‘Huwag na nating pag-usapan ang tungkol diyan, Drew. Naaalala ko lang si Renato. Nakakaawa ang kapatid ko. Mag-inuman na lamang tayo.’’
‘‘Tinatalaban na po ako, Tiyo. Isang shot na lang po at ayaw ko na. Baka mag-blow ako.’’
“Sige. Pero ako e sa-shot pa. Ang sarap ng alak na ito. Saan ba galing ito?’’
“Regalo po kay Daddy nang lalaking tinulungan niya.’’
“Ang sarap nito, Drew. Ngayon lang ako nakainom nito. Habang iniinom e sumasarap.’’
Napangiti si Drew. Hanggang sa maramdaman niyang bumabagsak ang talukap ng kanyang mga mata. Inaantok na siya. Hanggang sa wala na siyang maalala.
KINABUKASAN, nakadungaw sa bintana sina Drew at Tiyo Iluminado. Tinatanaw nila ang bakanteng lote ni Basil alyas ‘Uok’.
‘‘Ang lote pong iyan ay ipamamana raw ni ‘Uok’ sa anak niyang si Gab.’’
‘‘Yun ba yung siyota mo, Drew?’’
“Opo.’’
“Aba e di kung magkatuluyan kayo, magiging sa’yo pala yan. Siyempre asawa ka di ba.’’
Nagtawa si Drew.
“E di mabuti at magkapitbahay tayo.’’
‘‘Oo nga ano? Pero palagay ko malas ang lupang yan.’’
“Bakit naman po?’’
(Itutuloy)
- Latest