Kolonyalista sa Mars magiging vegetarian?

MALAMANG daw maging vegetarian ang mga unang taong mapapatira sa Mars. Puro gulay ang kakailanganin nilang kainin sa mga unang taon ng pagtatayo ng kolonya sa pulang planeta.

Kailangan ding mag-imbento ng mga paraan para makapagtanim at makapag-ani ng mga gulay. Siguro, tulad ng ginagawa sa Daigdig, magtatanim na lang muna ng  mga binhi o buto ng ano mang gulay sa malalaking mga paso, planggana o sa kung anumang puwedeng mapaglagyan nito. Wala pa kasing katiyakan kung puwedeng tamnan ng halaman ang mga lupain sa Mars. At wala pang katiyakan na meron talagang tubig bagaman may mga palatandaan daw ng pagkakaroon nito sa naturang planeta.

Ayon sa Hawaii Space Exploration Analog and Simulation ng National Aeronautics and Space Administration,   magsisimula sa tinatawag na hydroponic farming ang mga unang kolonyalistang tao sa Mars. Ito iyong sinasabing pagtatanim at pagpapalaki ng mga halaman sa tubig nang walang lupa gamit ang mga mineral nutrient solutions. Malamang unang itanim ang mga fast-cycle salad crops tulad ng lettuce, radishes, carrot, tomatoes, cucumber at iba pang gulay.  Kasunod dito ang mga sweet potatoes, rice at wheat.

Pero, dahil matatagalan bago makapag-ani ng anumang halaman na maaaring apat o anim na buwan, kailangang magbaon ng mga prosesong pagkain mula  sa Daigdig para may makain sila sa mga unang buwan ng paninirahan nila sa Mars. Kaya kailangan daw makaimbento ang mga space scientists ng mga pagkaing tatagal nang kahit hanggang limang taon para may nakakain ang mga unang kolonyalistang tao sa Mars habang nagpapalaki sila ng produksyon ng mga pagkain doon.

***

Wala pang taong nakakatira sa Buwan pero binabalak na ng Japanese beverage maker na Otsuka na magpadala roon ng 1 kilogram na titanium can na naglalaman ng powdered sports drink at nakasulat na mga pangarap ng ilang mga bata mula sa Asya. Sinasabi ng Otsuka na ang produkto nilang Pocari Sweat Powder ang unang commercial product na idedeliber at ilalagak sa mabatong lupain ng Buwan. Inaasahang magagawa ito sa 2015. Umaasa na lang ang Otsuka na merong makakainom nito sa Buwan. Pero baka pumalag ang tagagawa ng isa pang inumin na Tang na ang produkto nito ang dala ng mga astronaut na nagtungo noong araw sa Buwan. Hindi nga lang malinaw kung nag-iwan sila roon ng isang bote o lata ng juice ng Tang.

Show comments