DALAWAMPUNG taon na ang nakakalipas mula nang magpasya si Liu Lingchao na lisanin ang kanyang probinsiya ng Guangxi upang makipagsapalaran sa siyudad ng Guangzhou. Pero noong 2008, nagpasya siyang bumalik sa probinsiyang nilakihan. Dahil ayaw niyang gumastos para sa transportasyon, naglakad lamang si Liu mula sa siyudad pabalik sa Guangxi. Mas nakakamangha pa ang ginawa niyang paglalakbay dahil hindi maleta ang dala niya sa paglalakad kundi ang kanyang bahay.
Parang pagong na naglalakbay si Liu dahil dala niya ang bahay na may sukat na dalawang metro ang taas at isa’t kalahating metro ang lawak at may bigat na 70 kilos. Sa sobrang tagal at layo ng kanyang paglalakbay ay dalawang beses na niyang pinalitan ang bitbit na bahay.
Ayon sa kanya, naisipan niyang gumawa at magbitbit ng isang maliit na bahay dahil malaki ang kanyang matitipid. Bukod sa wala na siyang gastos sa transportasyon dahil siya ay naglalakad lamang, mas lalo pa siyang nakatipid dahil hindi na niya kailangang tumuloy sa mga hotel upang siya ay may matulugan.
Naglalakad siya sa umaga at sa gabi ay ibinababa ang kanyang bahay sa tabi ng daan kung saan siya magpapalipas ng magdamag. Kumpleto sa kagamitan katulad ng kutson at mga pangluto ang maliit na bahay kaya kahit kailan ay hindi niya kinailangan ang tulong ng ibang tao. Sa loob ng limang taon na paglalakad, ni minsan ay hindi siya namalimos. Kumikita siya sa pagbebenta ng mga plastic na bote na kanyang dinadampot sa kalye.
Matapos ang mahabang paglalakbay, malapit nang marating ni Liu ang kanyang bayan. Nang kapanayamin kasi siya ay 20 kilometro na lang ang kailangan niyang lakarin habang buhat ang kanyang bahay na nagsilbing tahanan niya ng limang taon.