EDITORYAL - Ilantad ang ‘Napolist’
MARAMING nagtataka kung bakit hanggang ngayon ay ayaw pang ilantad ni Justice Secretary Leila de Lima ang affidavit ni Janet Lim Napoles kaugnay sa mga opisyal at mambabatas na nakinabang sa multi-billion peso pork barrel scam. Sa kabila na marami nang sumisigaw at nanggigigil sa Justice secretary na isapubliko ang listahan ng mga isinasangkot ni Napoles, tila wala itong pakialam at dedma lamang sa mga nangyayari. Dalawang linggo na ang nakararaan, sinabi ni De Lima na nakausap niya si Napoles sa Ospital ng Makati at nabasa niya ang affidavit nito. Sa affidavit ay may mga senador at congressmen na nakinabang sa pork barrel pero hindi ibinunyag ni De Lima ang mga pangalan. Kahit daw i-pressure siya ay hindi niya sasabihin ang mga nakasaad sa affidavit. Nagpahiwatig din daw si Napoles na maging state witness pero kailangan daw dumaan iyon at pag-aralan ng Ombusdman.
Maraming humihikayat kay De Lima na ilantad ang affidavit ni Napoles dahil karapatan ng mamamayan na malaman ito. Mahigit 2,000 netizens ang lumagda sa petisyon para ilantad ni De Lima ang listahan ng mga mambabatas na sangkot sa pork barrel scam. Ayon sa mga nagpepetisyon, may malaking dahilan kung bakit tumatanggi si De Lima na ilabas ang listaÂhan ni Napoles. Maaari raw “nililinis†ang listahan ni Napoles. Inaalis ang mga sangkot na kaalyado ng adminisÂtrasyon. May karapatan daw ang taumbayan na malaman kung saan napunta ang kanilang pera. Bilang opisyal ng pamahalaan, hindi raw dapat ganito ang kinikilos ng justice secretary.
Nakapagdududa at nakakapangamba ang ginagawa ni De Lima na pagtangging ilantad ang affidavit ng pork barrel scam queen. Malalim nang mag-isip ang mamamayan ngayon. Maaaring tama ang hinala nang marami na “nililinis†ang listahan para hindi masabit ang mga malalaking “isda†sa anomalyang ito. MagaÂgalit ang taumbayan kapag ganito ang katutunguhan. Ilantad na ang “Napolist†bago pa man lumubha ang pagdududa.
- Latest