Imbes na luminaw, eh lalu yatang lumalabo at gumugulo ngayon ang Napoles list.
Litung-lito ang taumbayan dahil habang tumatakbo ang araw, eh parami nang parami ang nagsasabing may hawak silang listahan ng mga politiko o government officials na sangkot sa P10 bilyong pork barrel scam.
At eto pa ang lalung nagpagulo, iba-iba ang may hawak ng listahan, at sa mga listahang yan mukhang lumalabas na iba-iba ang mga pangalang nakalagay.
Kung meron mang magkakapareho, bakit meron ding sa isa ay nandoon at isa eh wala.
Hindi naman kaya diversionary tactics ito, para talagang lituhin ang taumbayan.
Sinu ang sino at alin ang totoo?
Ito ngayon ang tanong ng maraming mamamayan na hilung-hilo sa mga naglulutangang pangalan.
Gayunman, iisa ang gusto ng taumbayan ang lumabas ang katotohanan at mapanagot ang mga taong sangkot, ke-maliit o malaki man ang perang sangkot dapat na mapanagot.
Aba’y talagang ngitngit na ngitngit ang mga mamamayan dahil nga naman sa kanila gaÂling ang ganitong kalaking halaga na ngayon ay napasakamay lang pala at pinagsamantalahan ng iilan.
Hindi nag maka-move on ang marami kapag pork barrel scam ang pinag-uusapan. Tutok ang lahat.
Kaya nga hindi dapat magpatumpik-tumpik dito, hindi na kailangan ang takipan, ilabas na ang lahat kung may katunayan at baka mainip si Juan dela Cruz at sila na mismo ang humusga sa isyung ito.