‘Pirma-pirma lang’

KAPAG ang kumot ay maiksi matuto kang mamaluktot, kung ano ang meron ka iyong ipagkasya. Marami sa ating mga kababayan na malakas ang loob na pumasok sa isang masikip na daanan dahil minsan nang nakalusot. Pano sa pagbalik mo kung ika’y naipit at di ka na makawala? “Naibenta ko na ang bahay ko kakabayad sa kanya pero ngayon kinasuhan pa ako,” pahayag ni Rose.

Taong 2004 nang mangailangan ng pera ang apatnapu’t limang taong gulang na taga-Bataan na si Rose Sabado. Ipinakilala sa kanya ng isang kaibigan ang nagpapautang na si Nida Garcia. “Kulang ang pambayad ko ng tuition ng dalawa kong anak kaya naghanap ako ng mahihiraman,” wika ni Rose. Konduktor ng bus nung mga panahong yun ang kanyang asawang si Leopoldo o Pol. Kahit anong pagkakasya ni Rose sa perang iniaabot ng asawa talagang kinukulang pa rin siya.

 â€œAko na lang ang madalas na dumidiskarte para may panggastos kami,” ayon kay Rose. Dalawampung porsiyento ang tubo ayon kay Nida kapag nangutang sa kanya. “Pumayag ako kasi talagang kailangan ko. Nagkataon din namang sunud-sunod na nagkasakit ang mga bata,” wika ni Rose. Sa sampung libong pisong inutang ni Rose, labingdalawang libong piso ang kailangan niyang bayaran kay Nida. Unti-unting binayaran ni Rose ang utang niya kay Nida ngunit noong 2005 muli siyang nangailangan ng pera. “Nangutang ako sa kanya ng dalawampung libong piso. Para yun sa pang-araw araw naming pangangailangan at pambayad sa matrikula ng mga anak ko,” salaysay ni Rose. Hindi buong nabayaran ni Rose ang kanyang inutang. Naisanla na niya ang mga gamit niya kay Nida para lang mabawasan ang hiniram. “Walang alam ang mister ko dun. Kapag nagbibigay siya ng panggastos wala siyang pakialam kung kasya ba o hindi,” ayon kay Rose. Habang tumatagal lalong lumalaki ang tubo ng inutang ni Rose hanggang sa dumating ang panahon na nagipit na siya. Hindi na siya nakapaghulog buwan-buwan. Taong 2006 nagpunta sa bahay nina Rose si Nida. Pinilit umano siya nitong mag-issue ng tseke na nagkakahalaga ng Php200,000. Tinakot umano siya ni Nida na sasabihin ang kanyang pangungutang sa asawa nito kapag hindi ito pumirma. “Wala na akong nagawa kundi sundin siya wag lang malaman ng asawa ko. Kabilin-bilinan ko sa kanya na huwag niyang ipapasok dahil walang laman yun,” ayon kay Rose. Nangako naman umano si Nida na hindi niya ipapasok sa bangko ang tseke.

Ilang taon ang makalipas, taong 2009 sinampahan siya ni Nida ng kasong Collection of Sum of Money. “Napilitan na akong magsabi sa asawa ko. Ipinaalam ko sa kanya na idinemanda ako dahil pumirma ako sa tseke,” kwento ni Rose. Sinermonan siya ni Pol sa ginawang pagpirma. Sana’y sinabi niya daw ng mas maaga nang sa ganun ay hindi na lumaki ang problema. “Nagharap kami sa korte at nagkasundo na magbabayad ako ng limang libo kada buwan. Nagkaroon ako ng kantina sa UST kaya pumayag ako,” pahayag ni Rose.

Noong ika-23 ng Hunyo 2011, nag­labas ng Motion for Execution laban kay Rose. Pinilit ni Rose na mabayaran ang utang niya kay Nida kahit hindi naman umano umabot sa ganung halaga ang kanyang hiniram. Sa dalawang daang libong utang niya, nabayaran niya ang Php160,000. Natigil lamang ang kanyang pagbabayad noong 2012 nang siya’y magkasakit. Napasma umano ang kanyang katawan at natalsikan ng kumukulong mantika ang kanan niyang mata. Nawalan na din siya ng puhunan sa kantina kaya naman wala nang pumapasok na pera sa kanila. Nalubog na din umano siya sa utang sa kakabayad kay Nida kaya’t naibenta niya ang kanilang bahay. Naloko din daw sa pag-aabroad ang kanyang anak na naging dahilan kung bakit hindi na siya makapaghulog. “Kinausap ko si Nida sabi ko tawad na lang ang apatnapung libong piso dahil malaki na naman ang naibayad ko sa kanya,” ayon kay Rose. Sa halip na pagbigyan, nagbalik si Nida sa korte. “Maglalabas na naman ng Writ of Execution’ laban sa akin. Hindi ko na alam kung ano ang gagawin ko,” sabi ni Rose. Nais malaman ni Rose kung maaari ba siyang magreklamo laban kay Nida sa pagpilit nito sa kanya na pumirma sa tseke. Humihingi din siya ng tulong kung ano ang kanyang magiging hakbang para maayos ang kanyang problema. Ito ang dahilan ng paglapit niya sa aming tanggapan.

Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 2:30-4:00pm at Sabado 11:00am-12nn) ang kwentong ito ni Rose. BILANG TULONG inirefer namin si Rose sa Department of Justice Action Center (DOJAC) kay Director Perla Duque upang siya’y magabayan. SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, tila sakit na mabilis kumalat at nakakapinsala ang pangungutang.  Sa una akala mo ay nakakatulong sa ‘yo ito ngunit hindi mo napapansin unti-unti ka niyang inilulubong sa mga balong problema. Manghihiram ka ng pera kahit malaki ang magiging interes dahil iniisip mong mababayaran mo naman ito, para hindi gaanong lumaki ang iyong interes mangungutang ka sa iba para ipambayad sa una mong pinagkautangan. Ganito ang nangyari sa iyo Rose kaya’t nalubog ka sa problema. May mga tao kasi na alam na nilang gipit ay lalo pang ginigipit. Ang ihip ng hangin ay nag-iiba yan. Kung kayo kaya ang tamaan niyan? May Writ of Execution na ang kaso. Nakalagay doon na posibleng palitan ang Sheriff na nakatalaga sa unang inilabas na dokumento. Kung wala ka maiibayad, titingnan nila kung ano ang makukuha sa bahay mo na katumbas ng nasabing halaga. Maging aral din sana ito sa ‘yo tungkol sa pangungutang. Hangga’t maaaring iwasan ang panghihiram ng pera sa patubuan dahil sa bandang dulo dahil lalo kang malulubog lalo na kung hindi mo lubusang kilala ang inutangan.  Pasalamat ka at hindi ipinasok ang tseke kaya’t ang hinaharap mo ngayon ay kasong sibil dahil kung yan ay tumalbog dahil walang pondo mauuwi ito sa kasong kriminal na BP22. Ang pinakamaganda gawan mo ng paraan ito para matapos na ang kalbaryo. (KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)  SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor CityState Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854 o tumawag sa 6387285 at 7104038.

Show comments