Sunud-sunod ang nagaganap na pagpatay sa mga opisyal sa Caloocan City na ito raw ang ikinakaalarma ng maraming mga residente rito.
Ang siste pa ng mga pagpaslang, mukhang iisa ang istilo at karamihan ay gawa ng tandem.
Pinakahuli ay ang naganap na pagpaslang sa isang barangay kagawad na si Garry Moralla, 26, ng Brgy. 181.
Pinagbabaril ito ng riding in tandem na suspect habang naglalakad pauwi sa kanilang bahay noong Miyerkules ng gabi matapos mag-duty sa barangay hall. Sugatan din ang misis sa insidente.
Noon lang nakalipas na Lunes ng umaga, pinagbabaril din hanggang sa mapatay ang hepe ng Department of Public Safety and Traffic Management-North sa lungsod na si Eduardo Balana, 66, na isang retiradong pulis.
Naglilinis lang ang biktima sa tabi ng kanyang bahay nang sumulpot ang salarin at sunud-sunod itong paputukan ng baril hanggang sa mapatay.
Sa pag-iimbestiga ng pulisya, kinilala ng mga witness sa pamamagitan ng photo rouge gallery na ang gunman ni Balana ay siya ring itinuturong bumaril at pumatay naman kay Pedro Ramirez, Chairman ng Barangay 183 noong Marso 25 sa Amparo Subdivision, Quirino Highway.
Nababahala na ang maraming residente sa ganitong mga pagpaslang. Hindi pa rin malinaw kung personal o may kinalaman sa kanilang mga trabaho ang motibo sa pagpaslang.
Kung sabagay hindi lang sa Caloocan, tila sunud-sunod ang ganitong mga pagpaslang.
Mukhang panay na naman ang banat at pag-atake ng mga tandem na kriminal lalo na sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila.
Kailangan na talaga nang pantapat ang mga awtoridad sa ganitong istilo ng mga kriminal na tandem.
Marami ang nagpapanukala, na tuluyan nang ipagbawal ang tandem sa motorsiklo, para raw kahit papaano eh masawat ang pag-atake ng mga ito.
Dapat na talaga itong matututukan dahil ito na ang gamit talaga ngayon ng maraming mga kriminal at kawatan sa kanilang mga operasyon.