EDITORYAL - Paghandaan ang El Niño

MARAMI ang dumaraing sa matinding init ng panahon. Dahil sa sobrang init, dalawa o tatlong beses naliligo ang mga tao para maibsan ang init. Ang problema, pinagtitipid na ang mga taga-Metro Manila sa paggamit ng tubig sapagkat bumababa na ang level ng tubig sa Angat Dam sa Bulacan. Ang Angat ang nagsusuplay ng tubig sa Metro Manila at iba pang karatig probinsiya. Kahapon, nasa 182.61 meters na ang tubig sa Angat sa dapat ay 186.04 meters. Kapag nagpatuloy pa ang pag-init ng panahon, maaaring mabawasan pa ang tubig sa dam.

At habang pinuproblema ang pagbaba ng tubig sa dam, nagbabala naman ang Philippine Atmospheric. Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na nakaamba ang El Niño phenomenon sa bansa. Kaya maaaring magtuluy-tuloy ang pagkatuyo ng mga dam. Ang El Niño ay ang kawalan ng ulan. Ayon sa PAGASA, magsisimula ang El Niño sa Hunyo at tatagal ng siyam na buwan.

Dahil dito, nagpaalala na ang pamahalaan sa mamamayan na magtipid sa paggamit ng tubig. Matutong mag-recycle. Ang ginamit na tubig sa paliligo at paglalaba ay sahurin at ipambuhos sa inidoro. Patayin ang gripo habang nagto-toothbrush. Siguruhin din na walang mga tagas ang tubo at gripo. Ayon sa pamahalaan, malaki ang matitipid kapag nag-recycle kaya ngayon pa lamang ay praktisin na ito.

Kapaki-pakinabang ang mga payo sa mamamayan para sa pagtitipid ng tubig. Pero mas nararapat na unahing mag-inspeksiyon sa mga comfort rooms ng mga tanggapan ng pamahalaan sapagkat karaniwang dito maraming leak ang mga tubo. Kadalasan, iniiwan ditong bukas ang mga gripo at tumatapon ang tubig. Ipag-utos din naman sa Maynilad at Manila Water na ayusin ang mga sirang tubo na kadalasang nagtatapon ng tubig.

Madaling utusan ang mamamayan sa pagtitipid ng tubig, pero nararapat namang magpakita ng halimbawa ang pamahalaan ukol dito.

 

Show comments