ISANG pusa sa South Carolina ang sinasabing pinakamalaki sa buong mundo ayon sa Guinness Book of World Records.
Ang puÂsa, nagngaÂngalang Hercules, ay may bigat na 922 pounds at may haba na lampas 10 talampakan. Lampas apat na talampakan ang taas nito kung susukatin mula sa kanyang mga balikat.
Si Hercules ay may kakaibang lahi. Siya ay isang liger. Lion at tigre ang kanyang mga magulang. Ayon sa mga nag-aalaga kay Hercules, nakuha nito ang tapang ng isang tigre at ang pagiging sanay sa pakikisa-lamuha ng isang lion.
Nabubuo lamang ang mga liger mula sa mga tigre at lion na nasa pangangalaga ng mga tao. Hindi kasi nakikipagsa-lamuha ang lion at tigre sa isa’t isa sa gubat. Kaya katulad ng lahat ng liger sa mundo, si Hercules ay ipinanganak sa pangangalaga ng mga tao sa isang wildlife preserve sa Amerika.
Karaniwang mas malaki at mas mabigat ang mga liger kaysa kanilang mga magulang na lion at tigre. Kadalasang nagiging doble ng laki ng mga lion at tigre ang mga liger at 100 ulit na mas mabigat sila kaysa pangkaraniwang pusa.
Kumakain si Hercules ng 20 hanggang 25 pounds ng karne araw-araw at mahilig maglaro katulad ng isang pangkaraniwang pusa. Ayon sa mga tagapag-alaga niya, tuwang-tuwa raw si Hercules nang una siyang makaranas ng pag-ulan ng snow. Parang bata raw ito na nagpagulong-gulong sa niyebe.