IBINENTA ng isang 12-anyos na babae sa Rio de Janeiro sa Brazil ang napakahaba niyang buhok para magkaroon ang pamilya niya ng perang pambili ng bagong tahanan. Ang babae ay tinaguriang ‘Rapunzel’ dahil sa napakahabang buhok na umabot sa limang talampakan.
Ang ‘Rapunzel’ ng Brazil ay si Natasha Moraes de Andrade. Humaba ang kanyang buhok dahil hindi siya ginupitan siÂmula nang ipiÂnanganak. Sa height niyang 5’4’’. isang pulÂgada lamang ang kanyang lamang sa napaÂkahaba niyang buhok.
Bukod sa malaking halaga na kanyang kikitain mula sa pagbebenta ng pinutol niyang buhok, may iba pang praktikal na rason kung bakit niya ipinagpasyang magpagupit na. Sa sobrang haba ng kanyang buhok ay isang bote ng shampoo ang kanyang nauubos sa isang linggo para rito. Pagkatapos hugasan, isang oras at kalahati naman ang kanyang ginugugol araw-araw sa pagsuklay nito. Dahil sa haba ay kinakailangan din niyang kargahin ang kanyang buhok habang siya ay naglalakad upang hindi ito sumayad sa lupa at matapakan.
Pati pamilya niya ay naapekÂtuhan sa haba ng kanyang buhok. Sa kabila ng mainit na klima sa Rio de Janeiro ay hindi pa rin gumagamit ang pamilya niya ng bentilador sa takot na suÂmabit ang mga hibla ng kanyang buhok na maaring magdulot ng aksidente.
Dahil dito kaya naging buo ang pasya niya na ipaputol na ang kanyang buhok na kanyang inalagaang pahabain mula nang siya ay ipinanganak. GayunÂpaman, humagulgol pa rin siya nang ito ay tuluyan nang ginupit ng mga hairdresser.
Binili ng mga gumagawa ng hair extension sa halagang 9,000 Brazilian Reais (katumbas ng P180,000) ang buhok na pinutol kay Natasha. Gamit ang kinitang pera, ipinagpatayo niya ng bagong bahay ang kanyang pamilya. Sa dati kasi nilang bahay ay natutulog lamang siya sa isang kuwarto na walang bintana kaya ang pagkakaroon ng maayos na tahanan ang unang pinagkagastusan ng kanyang pamilya sa kinitang pera.
Ngayon ay hanggang balikat na lang ang buhok ni Natasha. Malaya na siya ngayong gawin ang mga bagay na dapat ay ine-enjoy ng isang batang katulad niya tulad ng pagbibisikleta at paliligo sa dagat.