‘Puro dahilan’
SA hirap ng buhay hindi ka na makakahanap ng libre. Bawat trabahong ginagawa mo ay umaasa ka ng karampatang kabayaran.
“Unang sahod ko sa pondo mapupunta. Pangalawang sahod naman araw daw ng linggo kaya hindi nila maibibigay. Ang dami nilang dahilan,†wika ni Edgar.
Magtatlong buwan na sa KKK Pinoy Food Revolution si Edgardo “Edgar†Aguirre Jr., 27 taong gulang, nakatira sa Muntinlupa ngunit hindi niya pa nakukuha ang kanyang sahod.
Dating naging ‘waiter’ sa mga hotel si Edgar, dahil sa hindi regular ang kita at pasok naghanap siya ng ibang trabaho.
Ika-19 ng Disyembre 2013 nang subukan niyang pumasok sa KKK. Isang linggo muna siyang ‘trainee’ para malaman at matutunan kung ano ang mga gawaing nakatoka sa kanya.
“Sa frozen section ako napunta. Kami yung naghahanda ng mga frozen goods na idedeliver sa mga restaurants at fast food chain,†kwento ni Edgar.
Disyembre 25, 2013 nang magsimula siya bilang empleyado. Ang sahod niya kada araw ay Php466.00. May mga benepisyo din siyang matatanggap tulad ng SSS, Philhealth at Pag-ibig.
“Enero 10, 2014 dapat sasahod ako pero ang sabi nila sa pondo daw yun mapupunta,†salaysay ni Edgar.
Nang sumapit ang pangalawang pagkakataon ng swelduhan sinabihan naman siyang hindi umano nagsusweldo ng linggo ang kompanya.
“10 at 25 kasi ang sahod namin. Pagdating ng Lunes kinuha ko ang sahod ko sabi naman nila wala daw doon ang may hawak ng pera, nasa field daw,†kwento ni Edgar.
Kinabukasan…araw ng Martes lumiban naman daw ang nagpapasahod.
“Paminsan-minsan hindi na ako nakakapasok dahil wala na akong magamit na pamasahe. Humihingi na lang ako sa magulang ko,†ayon kay Edgar.
Sa tuwing kukunin umano niya ang kanyang sahod kay Richard de Jesus, “Hindi araw ng sahod ngayon†ang lagi umanong sinasagot sa kanya.
Ika-21 ng Pebrero 2014 nang magbigay ng promissory note si Richard kay Edgar. Nakasaad dito na magbabayad siya ng halagang Php10,250.00 dahil sa hindi pagbibigay ng kanyang sweldo sa tamang oras.
“Hindi rin naman sila nagbayad. Pagdating ng swelduhan wala na naman akong natanggap dahil nag-system upgrade daw sila. Nung ika-27 ng Pebrero nagbigay lang sila ng Php1,300,†pahayag ni Edgar.
Nang naniningil si Edgar sa nagpapasahod may ipinakita umanong tseke na nakapangalan sa kanya. Ayon umano sa mga ito ipapapalit pa daw ang tseke bago maibigay sa kanya ang pera.
“Hindi ko naman alam na pwedeng ako na pala ang gumawa nun. Hinayaan ko na lang sila na magpapalit,†sabi ni Edgar.
Pagdating ng Marso 10, 2014, araw ng swelduhan sinabihan naman siyang hindi pa umano tapos i-audit ang kanyang sahod.
“Hindi pa alam ng main office ang pagkakahuli ng sahod ko. Sa limang bago tanging ako lang ang hindi nakatanggap ng sweldo,†kwento ni Edgar.
Dahil sa pangyayaring ito, hindi na nakakapasok araw-araw si Edgar sa trabaho. Umaasa na lamang siya sa kanyang ina at lola para sa pang araw-araw niyang gastusin.
“Gusto kong makuha ang lahat ng sahod ko na hindi nila naibigay dahil pinagtrabahuan ko yun,†ayon kay Edgar.
Ang kabuuang halaga nito ay Php26,000 kasama ang pondong sinasabi na pinaglagyan ng kanyang unang sahod. Ito ang dahilan ng paglapit niya sa aming tanggapan.
Nais na ding magbitiw ni Edgar dahil hindi naman niya nakukuha ang kabayaran sa kanyang pagtatrabaho.
Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES†sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat†ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 2:30-4:00pm at Sabado 11:00am-12nn) ang kwentong ito ni Edgar.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, nagtatrabaho tayo para may pantustos sa pang-araw araw nating pangangailaÂngan. Ngunit kung puro lang tayo trabaho at wala ka namang sinasahod ibang usapan na ito. Hindi naman tama ang ginawa ng KKK sa iyo Edgar. Magtatatlong buwan ka na sa pinagtatrabahuan mo ngunit Php1,300 lang ang natanggap mo.
Para makapaghain ka ng reklamo magtungo ka sa National Labor Relations Commission (NLRC). May tinatawag silang Single Entry Approach (SEnA) doon kung saan ipapatawag ang kompanyang pinagtatrabahuan mo. Paghaharapin kayo upang makapag-usap at magkaayos. Bibigyan kayo ng mapagpipilian doon at kung magkakasundo kayo sa kagustuhan ng isa’t-isa ay maiiwasan na ang pagsasampa ng kaso. Kung hindi naman ito mangyayari ay maaari ka ng magsampa ng kaukulang reklamo laban sa KKK Pinoy Food Revolution. (KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor City State Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig City. Maari kaÂyong mag-text sa 09213263166, 09213784392, 09198972854 o tumawag sa 6387285 at 7104038.
- Latest