Ibang planeta sa relihiyon
NAITANONG ng isang kaibigan kung bakit walang binabanggit sa Bibliya ng mga Kristiyano hinggil sa ibang mga planeta bukod sa ating Daigdig. Kung meron bang mga nilalang na nabubuhay sa ibang bahagi ng Universe.
Kulang ang espasyo para talakayin sa kolum na ito ang ganoong usapin pero nabanggit ko sa kanya ang isang berso sa Bibliya (John 18:36 kung hindi ako nagkakamali) na sinasabi ni Hesus na wala rito sa Daigdig ang kanyang kaharian. Kung ito ang pagbabatayan, nariyan ang posibilidad na kinikilala sa Banal na Aklat ang pagkakaroon ng ibang mga planeta. Hindi nga lang binabanggit kung merong iba pang mga tao na nabubuhay sa malalayong sulok ng universe (bukod pa siyempre sa kaharian ng Diyos).
Maging sa ibang relihiyon tulad sa Islam, kinikilala nila ang pagkakaroon ng ibang mga planeta na nilikha ni Allah. Binabanggit din sa Holy Quran na bukod sa Daigdig ay may iba pang nilikhang planeta.
Sa kasalukuyan, umaabot na sa 2,000 ang mga planeta sa Universe na natutuklasan ng siyenÂsiya. Pinakabagong natuklasan kamakailan lang ang isang rocky planet na pinangalanang Kepler 186f (nasilip kasi ng Kepler telescope kaya siguro ganito ang pangalan). Halos katulad din daw ng Daigdig ang ilang katangian nito na posibleng mapanirahan ng tao. Hindi masyadong malapit sa sarili nitong araw at hindi rin masyadong malayo rito. May potensiyal din umanong may likidong tubig din ito. May layo itong 500 light years mula sa Daigdig.
Pero, sa dinami-dami ng 2,000 planetang iyan, puro teorya pa lang ang naglilitawan hinggil sa potensiyal na puwedeng mabuhay ang tao rito o maaaring may nabubuhay na mga organism dito. Wala pang aktuwal na pisikal na ebidensiya na maaaring tumira sa mga ito ang sangkatauhan. Tanging pinagbabatayan ng mga scientist at iba pang dalubhasa ang mga litratong nakukuha sa pamamagitan ng mga computer, telescope at mga robotic spacecraft na pinapunta sa ilan sa mga planetang ito. Narating na ng tao ang Buwan pero isa lang itong satellite ng Daigdig. Sabagay, may mga hakbang na ngayong puntahan at magtayo ng kolonya ng sangkatauhan sa planetang Mars na kinakikitaan ng mga palatandaan na maaaring mabuhay tayo dito. Pero mapapatunayan lang ito kung may makakatungong na tao roon.
- Latest