LUMABAS na si Drew. Nasa may gate na nang tawagin ni Gab. Sinundan pala siya nang lumabas.
‘‘Drew!’’
Lumingon si Drew. Pero binawi rin niya at tuluy-tuloy na lumabas sa gate.
Hindi na lumingon pa at dere-deretso sa paglalakad. Malayu-layo rin ang saka-yan ng traysikel. Mabibilis ang kanyang mga hakbang. Gusto niyang makarating agad sa sakayan.
Pagdating sa sakayan ng traysikel ay agad siyang sumakay at pinaalis na. BaÂbayaran na lamang niya lahat ang isang takbo ng traysikel.
Pagdating sa sakayan ng dyipni ay agad binayaran ang traysikel at bumaba at agad sumakay sa isang dyipni na naghihintay ng pasahero. Marami pang kulang sa pasahero kaya hindi mapakali si Drew. Gusto agad niyang makarating sa bahay nila at matutulog siya. Pakiramdam niya ay pagod na pagod siya at inis!
Gulat na gulat ang daddy niya nang makita siya.
“O bakit andito ka na agad? Ambilis mo naman? Di ba kina Gab ka nagpunta?’’
“Hindi po!’’
“E saan?’’
“D’yan lang!’’
‘‘Saang diyan lang?’’
Napilitang mag-imbento si Drew.
“Sa kaklase ko pero umalis palang bigla. Hindi ko inabot sa bahay.’’
“Sana tinext mo. Napakahina mo naman.’’
Hindi na sumagot si Drew at nagtungo na sa bedroom niya. Nagpalit ng pambahay. Nahiga. Pumikit. Pero hindi siya makatulog. Ang nakikita niya habang nakapikit ay ang tagpong may kausap si Gab na lalaki. Masayang-masaya si Gab habang nakikipag-usap sa lalaki. Sino kaya ang lalaking iyon? Bakit kaya ang saya-saya nilang mag-usap.
Tumagilid siya sa pagkakahiga. Pero hindi pa rin makatulog.
Tumihaya uli. Si Gab uli ang nakita habang nakapikit. Inis na siya. Naalala niya ang sinabi ni Gab na baka raw balikan niya ang dating siyota. Nagseselos pa kunwari iyon pala ay siya itong tumatanggap ng lalaking bisita. Huwag daw siyang manliligaw sa iba. Lagi raw maging matapat. Iyon pala ay siya itong hindi matapat.
Tumagilid uli siya. Inis na talaga siya. Bakit kaya tumanggap ng bisita si Gab?
(Itutuloy)