ISANG mag-asawa mula sa Shanghai, China ang nagulat sa nabili nilang karne ng baboy matapos itong magliwanag sa kanilang kusina isang gabi.
Binili ng mag-asawa ang isang kilong karne ng baboy upang gawing dumplings para sa kanilang hapunan. Dahil hindi nila nagawang gamitin lahat, itinabi muna nila ang ilan sa mga karne sa kusina upang gamitin sa ibang araw. Nang bumangon ang babae kinagabihan upang pumunta sa comfort room, may napansin siyang asul na liwanag na nanggagaling sa kanilang kusina.
Nagulat siya nang matuklasang galing sa karneng baboy na binili ang asul na liwanag na kanyang nakikita. Ginising ng babae ang kanyang asawa pati na ang iba pang miyembro ng pamilya upang masigurong hindi lang siya namamalikmata sa nakikitang liwanag mula sa karne.
Hindi nga siya nagkamali. Kitang-kita rin ito ng kanyang pamilya na namangha sa glow in the dark na karne. Humahawa pa nga ang ilaw sa kanilang kamay nang kanilang hawakan upang suriin nang malapitan.
Nawala rin ang ilaw na bumabalot sa karne nang sumikat na ang araw kinabukasan. Hindi na rin ginalaw ng pamilya ang karne dahil sa takot na ito’y kontaminado ng kung anong kemikal o bakterya na maaring nakalalason.
Kumalat naman ang balita sa nasabing glow in the dark na karne. Matapos paimbestigahan ng mga kinauukulan, napag-alaman na sanhi nga ng isang uri ng mikrobyo ang asul na liwanag na bumabalot sa karne kapag nasa isang madilim na lugar.
Tinatawag na phosphorescent bacteria ang mikrobyo at natural lamang ang pagkakaroon nito. Ayon pa sa awtoridad, ligtas kainin ang mga karneng may phosphorescent bacteria basta nasa tama ang pagluluto.
Gayunpaman, atubili ang mag-asawa na kumain ng karneng glow in the dark at baka kontaminado ng kakaibang bakterya.