Uok (121)

“S AYANG naman ang sinimulan natin kung magkakahiwalay lang, Gab.”

“Kaya nga panatilihin natin­ ang pagmamahal sa isa’t isa. Huwag kang magbabago at lalo naman ako. Ikaw nga ang first boyfriend ko di ba? Ikaw nagkasiyota na. Puwede mong balikan ang naging siyota at iwan ako.’’

“Bakit ko naman gagawin iyon? Hindi ako ganoon Gab.”

“Sana nga.”

“At saka bakit ko babalikan ang babaing iyon e siya nga ang nambreak sa akin. Di ba ikinuwento ko sa’yo na humiling siyang magkita kami sa isang restaurant pero pagdating ko roon, binreyk ako. Hindi pa nga ako kumakain e inupakan na ako nang pakikipag-break. Masakit ang ginawa niyang pakikipag-break.’’

Hindi nakapagsalita si Gab. Nakatitig lamang kay Drew. Seryoso si Drew sa sinabi.

Hinawakan ni Gab ang kamay. Kinuha ang palad at pinisil.

“Ako lang talaga, Drew?’’

“Oo naman.  Wala nang iba.’’

“Kasi baka naiimpluwensiyahan ka ng mga ikinukuwento ni Daddy na pawang ukol sa mga naging kasintahan noong araw. Napakaraming ikinukuwento sa’yo ni Daddy. Marami ba talaga siyang naging siyota noon?’’

“Marami. Labintatlo!’’

“Labintatlo? Ano yun, sabay-sabay?’’

“Hindi. Isa-isa siyempre.’’

“Ilan nang babae ang naikuwento sa’yo?’’

“Dalawa pa lang.’’

“E di 11 pang kuwento ang ina­abangan mo?’’

“Oo.’’

‘‘Tsikboy talaga si Daddy?’’

“Madali siyang magustuhan ng tsik. Malakas ang sex appeal ng daddy mo. Ang nakapagtataka, pawang may mga asawa ang naging tsik niya. At karamihan nasa abroad ang asawa ng babae.’’

“Ibang klase pala si Daddy.­’’

‘‘Kakaiba nga ang kuwento niya. Ibang klase si Sir Basil.’’

Habang naglalakad, nadaanan nila ang cinema. Palabas ang Spiderman.

‘‘Manood tayo Gab!’’

Atubili si Gab. Pero pumayag din.

Kumuha ng tiket si Drew. Pumasok sila sa loob. Agad nakakuha ng upuan. Naupo sila. Idinikit ni Drew ang pisngi sa pisngi ni Gab.

‘‘Ang bango mo, Gab.’’

‘‘Huwag kang malikot, Drew.’’

(Itutuloy)

 

Show comments