ALAS diyes ng gabi. Malakas ang ulan nang bumaba sa kanto mula sa sinasakyang jeep si Aling Nina. Mga limang bahay pa ang layo ng kanyang lalakarin para makarating siya sa kanilang bahay. Patakbo siyang sumilong sa waiting shed. Kailangan niyang buksan muna ang payong bago maglakad pauwi mula sa kanto. Pinagmasdan niya ang kanyang payong—kayang nitong payungan ang tatlong tao nang hindi mababasa dahil malaki. Gusto niya ang malaking payong para hindi siya nababasa kapag ganoong malakas ang ulan. Pagod siya sa maghapong pananahi sa pabrika at natatakot siyang mapasma kapag naulanan siya. Malaki ang pakinabang niya sa kanyang payong. Kapag baha sa kanilang kalye ay nagsisilbi itong tungkod para kapain kung nasaan ang manhole o kaya ay malalim na lubak.
Matapos buksan ang pinakamamahal na payong at nakahanda na siyang maglakad pauwi ay natanaw niya ang isang matandang babae. Nagmamadali itong sumilong sa waiting shed. Wala siyang payong. Nabasa ng ulan kaya nangangaligkig ito sa ginaw. Napaawa si Aling Nina. Magkakilala sila ng matanda at alam niyang sa kabilang kalye ito nakatira.
Napatingin ang matanda sa kanya. Ngumiti si Aling Nina. “Manang halika, ihahatid kita sa inyo. Sayang ang laki ng aking payong kung ako lang ang makikinabangâ€. Habang naglalakad ay may narinig silang sigaw ng babae. “Tulungan nýo ako!†Ang sigaw ay nanggaling sa makipot na eskinita. Isang dalagita ang pinupuwersa ng isang lalaki. Bigla ang pangyayari. Hinagip ng matandang babae ang malaking payong na hawak ni Aling Nina. Isinara ito para gawing pamalo sa lalaking nananakit sa dalagita. Ang dulo ng mahabang payong ay buong lakas na isinundot ng matanda sa ari ng lalaki kaya namaluktot at hindi na ito nakatakbo.
Shocked si Aling Nina nang mapagmasdan ang dalagitang iniligtas nila—ang kanyang kaisa-isang anak. Buti na lang at naawa siya sa matanda. Buti na lang at may mabuti siyang kalooban. Kung ano ang itinanim, siyang aanihin.