SI Matt Suter ay isang 19-taong gulang na lalaki na naninirahan sa bahay ng kanyang lola sa Missouri. Isang umaga noong 2006, nabalitaan niya na may paparating na ipuipo sa kanilang lugar kaya dali-dali niyang sinarhan ang mga bintana ng kanilang tinitirhang trailer van.
Ang hindi niya alam, napakalapit na pala ng ipuipo sa kanilang tirahan. Nakarinig siya ng isang napakalakas na ingay na animo’y nanggagaÂling sa makina ng 10 eroplano. Pagkatapos nito’y nayanig ang buong paligid at nagmistulang gelatin ang palapag ng kanilang tinitirhan sa sobrang pagÂyugyog sa lakas ng hangin.
Dito na humampas ang mismong ipuipo sa kanilang bahay. Sa lakas ng puwersa ay natanggal ang mga pintuan nito at nawasak ang kanilang mga kagamitan. Ngunit ang pinaka-nakakagimbal na nangyari ay nang higupin ng ipuipo si Matt mula sa kanyang kinatatayuan at liparin palabas ng kanilang bahay.
Naalala pa ng lola ni Matt ang mismong sandaling tinangay ang kanyang apo. Sumisigaw siya kay Matt na magtago na ngunit sa isang iglap ay bigla na lang daw itong naglaho. Natabunan ang lola ni Matt ng mga gumuhong materyales pero mapalad namang hindi siya nasaktan nang malubha. Unang pumasok sa isip niyang hanapin kung saan napunta si Matt ngunit nanlumo siya sa pag-iisip na maaring patay na ito sa lakas ng ipuipong tumama sa bahay nila.
Ang totoo ay inilipad si Matt ng ipuipo nang mahigit sa 1,300 talampakan pataas bago nag-landing sa malapit na kaparangan. Nagtamo siya ng ilang sugat sa kanyang ulo na kinailangang tahiin ngunit bukod doon ay wala na siyang ibang malubhang pinsala na natamo mula sa kakaibang insidente.
Ayon sa National Weather Service ng US, hawak ni Matt ang world record ng pinakamalayong nilipad ng isang taong tinangay ng ipuipo at nabuhay. May mga ilan na kasing tiÂnangay ng ipuipo ngunit hindi nakaligtas.
Hindi naman makapaniwala si Matt sa nangyari sa kanya. Dati ay pinangarap daw niyang makakita ng ipuipo sa totoong buhay ngunit hindi pumasok sa isip niyang tatangayin at ililipad siya ng isang ipuipo isang araw at magkakamit pa siya ng world record dahil dito.