Araw-araw na road re-blocking, matinding kalbaryo
Hindi na nga yata talaga makakaahon ang mga motorista sa nasasagupang matinding trapik sa araw araw?
Hindi pa man ay may mas matinding kalbaryo pa ang nagbabanta.
Ito’y matapos ang paramdaman ng pamunuan ng DPWH na balak nilang gawing araw-araw ang road re-blocking sa ilang pangunahing lansangan sa Metro Manila, partikular sa kahabaan ng Edsa.
Ito ang matindi , dahil yun nga lang re-blocking tuwing weekend malaking perwisyo na sa mga motorista, aba’y gagawin pang araw-araw.
Kahit pa sabihing isasabay nila ito sa bakasyon ng mga mag-aaral, malaking volume pa rin naman ang mga sasakyan kung weekdays dahil sa may pasok sa mga tanggapan.
Bukod pa nga rito ang sisimulang pagtatayo ng Skyway 3 kung saan marami na ring kalye ang maaapektuhan o liliit ang daanan dahil sa isasagawang konstruksyon.
Sa dami ng sabay-sabay na paggawa sa mga lansangan, eh baka wala nang matirang lugar sa mga sasakyan.
Kahit pa sabihing putol-putol lang ang ginagawa pero sa dami naman nito, nagbi-build up pa rin ito nang pagkakabuhol-buhol ng trapiko.
Panay ang isip ng paraan para mabawasan ang problema sa trapik, pero mukhang hindi nararamdaman.
Bakit hindi gawin ang lahat nang yan sa darating na Holy Week kung saan bawas na bawas ang tao o mga sasakyan sa Metro Manila.
Dyan dapat magawa ang dapat gawin, hindi yung talagang sumasabay sa dami ng sasakyan sa lansangan.
May ilan pa nga maayos naman ang daan, kakalkalin saka gagawin masabi lang na may ginagawa pero perwisyo naman sa mas nakakarami.
Usapang trapik pa rin, ilang siyudad sa MM ang sumusunod na sa rin sa pagpapatupad ng truck ban sa kanilang mga lugar
Ang Maynila, sa Caloocan , Paranaque at iba pang lungsod ang nais na ring magpatupad ng truck ban.
Sagot raw ito para maibsan ang trapik sa kanilang mga lugar.
Ibig lang nilang sabihin ang mga dambuhalang truck na ito ang isa rin sa mga pangunahing dahilan ng matinding trapik sa mga lansangan.
Dapat na nga yatang pag-isipan ang paglipat ng kanilang operasyon sa iba pang pantalan at hindi nagsisiksikan sa Port of Manila.
- Latest