EDITORYAL - Mga GOCCs na nalulugi at sangkot sa corruption, buwagin na!

LABINGSIYAM na government-owned and controlled corporations (GOCCs) ang nalulugi kaya nararapat nang buwagin. Bukod sa nalulugi, may GOCCs ay sangkot sa corruption. Pero sa kabila na may bahid ng corruption, patuloy pa ring pinasusuweldo ng taumbayan mula sa ibinabayad na buwis ang mga opisyal at empleado ng GOCCs. Sa madaling salita, patuloy silang sumisipsip sa kaban ng bansa pero walang napapakinabang.

Ang matindi pa, may GOCCs na sangkot sa pork barrel scam. Tinukoy ang Tecnology Resource Center at National Livelihood Development Corp. na nakinabang sa pork barrel ng mga mambabatas gamit ang pekeng NGOs ni “pork barrel queen” Janet Lim-Napoles.

Noong nakaraang linggo, sinabi ni President Aquino na pinag-aaralan na umanong buwagin ang ilang GOCCs. Dapat gawin ito ng Presidente para makita ng mamamayan ang sinasabi niyang “tuwid na daan”.

Nararapat lamang buwagin ang GOCCs na pasa­nin ng taumbayan. Huwag nang mag-atubili pa ukol dito. Kabilang umano sa mga GOCCs na walang silbi, nalulugi at sangkot sa scam ay ang National Agribusiness Corp. at Zamboanga del Norte Rubber State Corp. na nasa ilalim ng Department of Agriculture at Natural Resources Development Corp.-Philforest Corp. na nasa ilalim ng Department of Environment and Natural Resources.

Ang mga nabanggit na GOCCs ay tinukoy din nina Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez at Abante Mindanao party-list Rep. Maximo Rodriguez na hindi napapakinabangan at nararapat nang buwagin. Tinukoy din ng magkapatid na mambabatas ang Batangas Land Co. Inc., Banaue Hotel and Youth Hostel, BCDA Management and Holdings, Cottage Industry Technology Center, Freeport Service Corp., GYReal Estate, Human Settlements Development Corp. Kamayan Realty Corp. Marawi Resort Hotel at pitong iba pang GOCCs na dapat nang buwagin sapagkat walang pakinabang.

Hindi dapat matuyo ang kaban ng bayan dahil lamang sa paggastos sa GOCCs na wala namang pakinabang at nasasangkot pa sa corruption. Buwagin na ang GOCCs!

 

Show comments