^

Punto Mo

‘Nilimas na…may kaso pa’

- Tony Calvento - Pang-masa

ANG kandilang ikaw ang nagsindi at napabayaan, kapag kumalat sa buong kabahayan ay mahirap nang hintuin at patayin. Amin nang naitampok sa aming pitak ang kwento ni Robert Lapura o “Bert”, 33 taong gulang, nakatira sa Tondo, Manila. Pinamagatan namin itong ‘Hakutan’.

Inirereklamo ni Bert ang pagkuha ng kanyang ‘land lady’ na si Vangie Sia sa telebisyon, washing machine at apat na monoblocks sa kanyang inuupahang kwarto. Aminado si Bert na nagkaroon siya ng pagkukulang sa pagbayad sa inuupahan ngunit giit niya hindi naman umano tama ang ginawa ni Vangie. Basta na lang daw ito pumasok sa kwarto at pinagbibitbit ang kanyang kagamitan. Ang dalawang anak niya lamang ang naiwan doon.  “May one month advance at one month deposit pa naman akong binayad sa kanya. Hindi ko pa nagagamit yun,” wika ni Bert. Unang nagreklamo si Bert sa barangay ngunit hindi sila nagkaayos doon kaya naisipan niyang lumapit sa aming tanggapan. Dagdag pa niya hindi umano pinag-uusapan doon ang pagkuha sa kanyang gamit kundi ang tungkol lamang sa hindi niya pagbabayad.

Kinapanayam din namin sa aming programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 2:30pm-4:00pm at Sabado 11:00am-12nn) si Vangie upang ipaalam sa kanya ang reklamo nitong si Bert. Inamin niya ang ginawang pagkuha sa mga kagamitan ni Bert dahil sa hindi pagbabayad ng upa. Matapos naming ipaliwanag sa kanya na hindi maaaring basta-basta na lamang niya kunin ang gamit nito ay nangako siya na ibabalik ang mga ito basta magpunta lamang si Bert sa kanya. Nag-iwan din ng ‘promissory note’ si Bert sa amin na kung sakaling hindi siya tumupad sa naging usapan ay handa siyang harapin ang reklamo sa kanya ni Vangie. Kwento ni Bert iniwan lang umano ni Vangie ang TV at mga upuan sa labas ng kanyang kwarto at sinabing ibabalik lang ang washing machine kapag na­kabayad na ng buo. Nanindigan si Bert na gusto niyang makuha lahat ng kanyang gamit kaya nang hindi ito isinauli ni Vangie nagpasya siyang magpaalam dito at maghanap ng malilipatan.

“Sabi niya hindi ko daw pwedeng gamitin ang deposito ko sa kanya dahil pagginamit daw yun dapat aalis na ako,” pahayag ni Bert. Ilang ulit pa umano silang pinatawag sa barangay upang pag-ayusin. Hindi dumadalo si Vangie at isang kamag-anak lang kanyang pinapunta. Ang asawa ng kapatid nito  na si Chet. “Ano ang gusto mo para hindi ka na magreklamo?” tanong sa kanya ni Chet. “Maibalik lang ang mga gamit ko na kinuha ni Ma’am Vangie,” sagot ni Bert. “Hindi pwede sabi ni Ate Vangie dahil may utang ka pa. Ang monoblocks at TV lang ang makukuha mo,” ayon umano kay Chet.

Sinabi din umano nito na siya ang mahihirapan sa kasuhan dahil may kamag-anak na abogado sina Vangie at pwede silang tulungan nito kahit hindi sila maglabas ng pera. Nang hindi sila magkasundo sinabihan si Bert na tatlong kaso umano ang isasampa ng mga ito laban sa kanya. Una ‘Estafa’ dahil sa kanyang pagkakautang at may kasunduan sila at hindi niya tinupad, pangalawa ‘Pandaraya’ dahil tinatagu-taguan umano ni Bert si Vangie at pangatlo ‘Harassment’ dahil ibinigay niya sa amin ang numero nito at amin siyang kinausap.

“Natatakot ako dahil kakasuhan nila ako. Sila na nga ang kumuha ng gamit ko ako pa ang irereklamo,” ayon kay Bert. Sabi pa umano sa kanya ni Chet na-trauma umano si Vangie dahil napahiya ito kaya nagpasya silang kasuhan siya.

“Wala namang katotohanan ang mga sinasabi nila dahil hindi naman ako nanggulo. Hindi din ako tumatakas sa kanila, nasa trabaho lang ako palagi kaya hindi nila ako nakikita sa inuupahan ko,” pahayag ni Bert. Nakakuha na si Bert ng ibang mauupahan ngunit gusto niyang mabawi ang kanyang mga kagamitan kay Vangie dahil giit niya may naiwan pa naman daw siyang deposito doon. Nababahala din siya sa mga kasong binanggit ng mga ito kaya muli siyang nagbalik sa aming tanggapan upang humingi ng payo.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, tulad ng aming ipinaliwanag kay Vangie noong una may tamang paraan ng paniningil sa isang nangu­ngupahan. Maaari siyang magreklamo sa ‘Smalll Claims Court’ ng ‘Col­lection of Sum of Money’. Isang araw lang ang magiging pagdinig at agad na itong dedesisyunan.

Kung totoo naman na hindi pa nagagamit ni Bert ang deposito niya sa ‘yo maaari mo naman siyang singilin kung ang lahat ng ito ay nakonsumo na niya. Pribadong lugar niya ang kwartong kanyang inuupahan at walang sinuman ang maaaring basta na lamang pumasok at kumuha ng kanyang mga kasangkapan. Ang tatlong kaso namang gusto mong isampa sa kanya, kung talagang sa pakiramdam mo ay nadehado ka at may nagawang hindi maganda si Bert sa iyo ay karapatan mo namang magreklamo. Nung tinawagan ka namin sa telepono, ipinaalam namin sa ‘yo ang reklamo nitong si Bert at ang sabi mo ay handa ka namang sagutin ang lahat ng paratang niya. Nangako ka pa nga na ibabalik mo ang mga kasangkapan ni Bert. Nangako din kami sa iyo na kung sakaling hindi siya magbabayad sa sinabi niyang petsa ay tutulungan ka naming magsampa ng reklamo laban sa kanya. Hindi ka namin pinilit na ihayag ang iyong nais sabihin. Kay Bert naman, maaari kang magsampa ng kasong ‘Theft’ laban sa iyong landlady sa pagkuha niya sa iyong mga kagamitan. (KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor CityState Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong mag-text sa 09213263166, 09213784392, 09198972854 o tumawag sa 6387285 at 7104038.

BERT

CHET

DAHIL

KANYA

KANYANG

NIYA

VANGIE

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with