HINDI lang dito sa Pilipinas nag-aagawan ang mga tao sa pagsakay sa tren, maski sa Tokyo, Japan ay nangyayari rin ito. Doon, napakatindi nang pag-uunahan sa pagsakay sa mga tren sa umaga dahil papasok sa trabaho. Lalaki at babaing pasahero ang nag-uunahan sa tren.
Noong umaga ng Hulyo 2013, rush hour, isang babae ang nadulas at nahulog sa riles habang palabas sa sinakyang tren. Naipit ang babae sa gitna ng tren at ng platform at hindi nito kayang makaalis doon.
Sumaklolo naman agad ang mga namamahala ng tren na agad inanunsyo ang aksidente sa buong istasyon. Agad nagtulong-tulong ang mga pasahero na kasalukuyang naghihintay sa istasyon para maiangat ang tren upang makaalis ang babae sa pagkakaipit. Nasa 40 pasahero ang bumuhat sa 32-toneladang tren.
Dahil sa bayanihang ginawa ng mga pasahero, naiangat ang tren at nakaalis ang babae sa pagkakaipit. Wala namang malubhang pinsalang natamo ang babae.
Ayon sa report, umabot lamang ng walong minuto ang pagka-delay ng tren at nagtuloy-tuloy na ulit ang regular na serbisyo nito pagkatapos ng insidente.