Bata kumain ng 30 magnets, buhay!
ISANG walong taong gulang na batang babae mula sa Indiana sa Amerika ang isinugod sa ospital matapos itong dumaing ng pananakit ng tiyan. Nagulat ang mga doktor nang lumabas ang resulta ng pagsusuri. Nakita sa x-ray na kumain pala ng 30 maliliit na laruang magnet ang bata.
Naalis ang mga magnet mula sa bituka ng bata matapos ang isang emergency operation. Ayon sa mga doktor na sumuri at nag-opera sa bata, masuwerte ito dahil hindi nagkabutas-butas ang bituka. Mabuti na lang daw at hindi nagkumpol-kumpol ang mga nalulon na magnet dahil kung nagkataon, mawawasak ang internal organs ng bata. Posible raw kasing magkadikit-dikit ang mga ito sa loob ng bituka dahil sa taglay na magnetismo.
Nagtataka naman ang mga magulang ng bata kung bakit nagawa nitong kumain ng ganoon karaming magnet. Matalino naman daw ito at lagi nilang pinagsasabihan tungkol sa mga dapat at di-dapat kainin. Nang tanungin nila ang anak kung bakit siya lumulon ng 30 magnet, ipinaliwanag nito na pinapak niya ang mga ito. Maganda raw ang kulay na parang mga candy.
Nagbigay naman ng paliwanag ang kompanya na gumagawa ng mga laruang magnet na kinain ng bata. Ayon sa kompanya, wala silang pananagutan sa nangyari at isa lamang itong isolated na insidente.
- Latest