‘Lulundag sa tulay’
SA likod ng magagandang salita ng taong kausap ay nagtatago ang pangit na aninong maaaring sumakmal sa ‘yo.
“Apat na milyong piso ang benta ko sa bahay at lupa ko tapos 350,000.00php lang ang napunta sa akin,†simula ni Rose.
Napagpasyahang ibenta ni Rosario dela Rosa o mas kilala sa tawag na “Roseâ€, 56 taong gulang, nakatira sa Valenzuela City ang kanyang bahay na may lawak na 150sqm. Ika-17 ng Dis-yembre 2012…may gustong bumili ng bahay ni Rose. Nagpakilala itong Cicero Germino, isang ‘event organizer’ sa SM Valenzuela kasama ang ahenteng si Baby Francisco. Tatlo lamang silang nakatira dun ng kanyang anak at kapatid. Nais niyang bumili ng mas maliit na bahay na may tindahan sa ibaba para may mapagkakakitaan siya. Tumawad si Cicero at nagkasundo sila ni Rose sa halagang 3,700,000.00PHP. “Bibilhin ko ang bahay at lupa mo sa pamamagitan ng ‘acquired loan’,†sabi umano sa kanya ni Cicero. Ang naging usapan nila, isasanla ang titulo ng lupa sa isang ‘private financer’ pagkatapos ay dadalhin sa bangko upang ito na ang magbayad sa pinagsanlaan. Nagkaroon ng kasunduan sa pagbibili ng lupa sa pagitan nina Rose at Cicero. Nakasaad dito na pumapayag si Rose na isanla sa pribadong tao o kaninuman, sa pamamagitan ng malaya at kusang-loob na pagbibigay ng karapatan ni Rose kay Cicero. Walang pananagutan at gagastusin si Rose sa nabanggit na transaksiyon at si Cicero ang mananagot ng lahat.
Sa pagkakataong malagdaan ang kasunduan ay walang pagsasalin ng titulo kahit isasanla ito. Makakatanggap ng 350,000.00php si Rose mula sa mapagsasanlaan. Makukuha lamang ni Rose ang kabuuang halaga kapag nailipat ang pagkakasanla sa bangko o sa ibang institusyon. Nilagdaan ito ni Rose at Cicero. Dinala nila ang titulo sa Fatima Pawnshop sa Pasig at isinanla sa halagang isang milyong piso. Si Carina de Ocampo isa sa empleyado doon ang kanilang nakausap.
“Kinaltas na kaagad ni Carina ang Php313,000.00. Walang sinabi kung para saan,†wika ni Rose. “Hatian mo muna si Cicero sa pera para may panlakad siya sa papeles,†sabi umano ni Baby na kasa-kasama nila sa mga transaksiyon. Sumunod naman si Rose sa sinabi sa kanya ng ahente. Halagang Php350,000.00 ang napunta sa kanya at ang Php337,000.00 ay napunta kay Cicero. Nagkaroon ng ‘Deed of Real Estate Mortgage’ sa pagitan nina Rose bilang ‘Mortgagor’ at nina Francisco de Guzman Jr. at Amparo de Guzman, bilang ‘Mortgagees’. Nakalagda bilang saksi sina Carina at Noel Caesar San Juan. Nagtiwala si Rose kay Cicero dahil ayon umano kay Baby malaki ang kinikita nito bilang event organizer. Umaabot umano ng isang daang libong piso ang sahod bawat buwan. Makalipas ang ilang araw napag-alaman ni Rose na hindi nagbabayad ng interes si Cicero. Ang perang ibinigay niya dito ay ipinuhunan umano sa negosyo. “Kinausap ko siya na ibabalik ko na lang ang pera at tubusin niya ang titulo sa pinagsanlaan,†pahayag ni Rose. Sinabihan din ni Rose si Cicero na hindi na niya paaabutin ng Oktubre at gagawa na siya ng ligal na hakbang para maibalik ang titulo ng kanyang lupa. “Wala namang nakukulong sa ganito,†sagot umano ni Cicero sa kanya. Hulyo taong 2013 nang padalhan si Rose ng ‘demand letter’ ng pinagsanlaan. Binibigyan siya ng sampung araw upang makapagbayad.
“Ako na ang hinahabol ngayon. Kung hindi ako makakapagbayad mareremata ang bahay at lupa ko,†pahayag ni Rose. Agosto 27, 2013 nagpadala ng final demand letter ang abogado ng pinagsanlaan kay Rose. Sa pagkakataong ito limang araw na lamang ang palugit na ibinibigay sa kanya upang ayusin ito. “Pinapaalalahanan din ako ni Carina na kapag hindi ko naayos yun mawawala sa akin ang bahay ko. Dun kami nakatira ngayon, wala na akong matitirhan kapag tuluyang naremata,†salaysay ni Rose. Oktubre 2013 nang magsampa siya ng kasong ‘Estafa’ laban kay Ceciro at Carina. Tanging si Carina ang dumadalo ng pagdinig at abogado lang ni Ceciro ang nagpupunta.
“Habang tumatakbo ang kaso nakakatanggap na ako ng Notice of Sheriff na ipinapabenta na ang bahay ko,†kwento ni Rose. Ika-4 ng Pebrero 2014 nang matanggap niya ang resolusyon ng kaso. Nakasaad dito na wala umano ang mga elemento ng kasong Estafa sa kaso ni Rose. Hindi nakitaan ng panloloko dahil ipinaliwanag umano sa kanya ng akusado kung papaano ang magiging bilihan. Ang reklamo umano ay sa sibil na aspeto. Sa akusado namang si Carina, wala umanong ebidensiya laban dito na magpapakita na siya’y nanloko sa nagrereklamo. Ang tanging partisipasyon lamang nito ay empleyado siya ng Fatima Pawnshop at naroroon siya nang i-encash ang tseke sa bangko. ‘Dismissed’ ang nakasaad sa resolusyon ni Asst. City Prosecutor, Investigating Prosecutor Maria Benet T. Santos-Madamba sa kaso. “Tulungan niyo ko hindi ko alam ang gagawin ko. Lulundag na ako sa tulay,†pahayag ni Rose.
Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES†sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat†ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 3:00pm-4:00pm at Sabado 11:00am-12pm) ang kwentong ito ni Rose.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, nakipag-ugnayan kami sa kanyang abogado na si Atty. Kristal Buenaventura ng Public Attorney’s Office upang ipaalam sa kanya ang naging resolusyon sa kaso. Nangako naman si Atty. Buenaventura na gagawa agad sila ng ‘Motion for Reconsideration’. Matapos sabihin ang lahat ng ito, ito’y simpleng kaso na iginisa ka sa sariling mantika. Hindi naman pwedeng parating ‘in good faith’ o tiwala ang paiiralin natin kung nakikita natin na mas malinaw pa sa sikat ng araw na walang sabit itong bumibili. Kapag hindi mo naiintindihan ang isang bagay wlang masama na magtanong kung ano ang kalakaran. Ang bangko ba ay papayag na bayaran ang iyong property na higit sa assessed value nito o ang tunay na halaga ng bahay mo? Kadalasan swerte ka na kung pauutangin ka ng 30% na halaga ng bahay mo.
Hindi ko rin lubusang maisip dito sa taga-usig na malinaw naman na nakasulat na ang buyer ay nangako na magagawa niya ang lahat ng ito subalit siya’y nabigo dahil sa simula pa lamang alam naman niyang hindi niya maibibigay ang kanyang ipinangako. Hindi ba’t ang elemento ng fraud ay pumapasok dito at yan ang hinahanap Mr. Prosecutor sa kasong Estafa? Nawa’y sa ihahain na ‘Motion for Reconsideration’ luminaw ang iyong mga mata para makita mo ang ‘probable cause’ na iyong hinahanap para maisampa ang impormasyon sa korte. (KINALAP NI CHEN SARIGUMBA) SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854 o tumawag sa 6387285 at 7104038.
- Latest