SA BAGONG teknolohiya ngayon sa isang iglap maaari mo nang maimbestigahan at malaman ang maraming bagay na dating naililihim.
“Daig ko pa ang tinamaan ng bagyo at lindol, di ako makatulog. Mabigat ang binangga ko baka ako balikan. Ang pagkakamali ko kinalaban ko ang katiwalian,†simula ni Alfonso.
Konduktor sa Victory Liner ang tatlumpu’t anim na taong gulang na si Alfonso Velasquez II.
Nagsimula ang kanyang problema nang mag-post siya sa kanyang account sa Facebook (FB) tungkol sa kanilang ‘Terminal Master’ na si Alex Faundo.
‘Matindi talaga ang station master ng Sampaloc Terminal na si Alex Faundo, puro delihensiya at lagay ang sistema niya at kapag hindi naglagay ay personalan na ang gagawin niya. Kawawa naman ang konduktor at drayber ng Sampaloc e nagpapakahirap sa trabaho at puyat pa para magbigay sa pamilya kaso hinaharang pa ni ALEX FAUNDO alyas lizardo,’ sabi ni Alfonso sa kanyang post sa FB.
Giit ni Alfonso… “Sinabi ko lang kung ano ang nakikita ko at kung ano talaga ang kalakaran niya.â€
May isa pang inilathala si Alfonso…‘may mga konduktor at drayber na nag-aaway dahil sa palpak na sistema ni Alex Faundo dapat maglagay muna para may oras na maganda ang byahe.’
Minsan nang nagbitiw sa kanyang tungkulin si Alfonso nang magkaroon siya ng problema sa kanyang asawa. Muli naman siyang nakabalik noong taong 2009 at naregular noong 2010.
Tuwing siya’y masususpinde dahil sa ilang ‘violations’ binabayaran niya umano ng Php200.00 kada araw.
“Mas malaki ang kita kapag pumasok ako lalo na kung malayo ang biyahe,†ayon kay Alfonso.
Sa terminal ng Olongapo siya unang na-assign at noong 2011 nilagay siya sa terminal ng Sampaloc. Mas malaki ang kita dito dahil ‘air-con’ ang mga bus.
Si Faundo ang terminal master doon, minsan na rin silang nagkasama sa Olongapo. Napansin niya umano ang baluktot na pamamalakad nito. Ayon pa sa kanya, kapag wala umanong lagay ay hindi ka makakakuha ng magagandang biyahe o yung malalayong biyahe na malaki ang kita ng konduktor at drayber.
“Alas diyes pa lang ng umaga may schedule na kami pero ang biyaheng Zambales o yung malalayo wala pa. Ibig sabihin kung sino ang maglalagay siya ang mapupunta dun,†pahayag ni Alfonso.
Nakikita niya raw ng personal ang pag-aabot ng pera o mga pagkain kay Faundo.
Minsang nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan sina Alfonso at Faundo nang may isang konduktor na nakiusap sa kanya dahil may kukunin itong loan.
Nagalit umano sa kanya si Faundo dahil may pagbibigyan daw ito sa nasabing biyahe.
Pakiramdam ni Alfonso ay pinag-iinitan siya ng kanyang terminal master. Dulot ng sama ng loob nagpost siya sa kanyang Fb account. May mga kaibigan siya na nagtatrabaho din sa parehong kumpanya kaya nakarating ito ni Faundo.
Ipinaalam ni Faundo sa opisina ang ginawa ni Alfonso. Binigyan siya ng memo upang ipaliwanag ang kanyang panig tungkol dito.
Ika-29 ng Agosto 2012 nang pumunta si Alfonso sa opisina dala-dala ang kanyang paliwanag.
“Sinabi ko dun na kahit sino may karapatang magsabi ng mga nais at gustong ipahayag. Hindi na kailangan ng mga ebidensiya dahil kilala ko siya ng personal at alam din ng mga drayber at konduktor ang sistema,†wika ni Alfonso.
Matapos niyang makapagpaliwanag sinuspinde siya ng isang buwan dahil sa kanyang inasal.
Setyembre 28, 2012 nang maglabas ng desisyon ang tagapamahala ng Victory Liner. Kaugnay ito sa sumbong ni Faundo kay Alfonso na masamang gawain/asal kawalang-galang/respeto sa nakatataas sa kanya ng tungkulin sa pamamagitan ng paglathala ng paninirang puri sa kanyang pagkatao sa Facebook, na iniulat noong ika-28 ng Agosto 2012.
Maliban sa hininging paliwanag ay kinausap din siya ng ‘Legal Investigator’ ng Victory Liner na si Eugenio Lacayanga.
May ilang katanungan si Lacayanga sa kanya upang maging malinaw ang usaping ito. Matapos masuri at matimbang ang buong pangyayari, tinanggal si Alfonso sa kanyang trabaho noong ika-28 ng Setyembre 2012 upang hindi siya pamarisan ng kanyang mga katrabaho. Wala din umano siyang sapat na ebidensiya upang mapatunayan ang kanyang akusasyon laban kay Faundo. Pirmado ito ng Legal Affairs Manager na si Anton Conrad Khu.
“Nakipag-usap ako sa kanila at nagpaliwanag ako. Sabi sa akin si Faundo daw ang kausapin ko,†ayon kay Alfonso.
Humingi siya ng tawad kay Faundo noong September 30, 2012. Hindi umano siya kinausap ng maayos nito at sinabing…
“Patatawarin kita pero kaya mo bang magbayad ng kalahating milyon? Hintayin mo ang demanda ko,†ayon umano kay Faundo.
Nang kumukuha din umano siya ng gamit sa locker ay sinigawan siya nito… “Hindi mo makukuha ang gamit mo, magbayad ka muna sa akin. Kung hindi ka magbabayad makukulong ka. Hintayin mo ang demanda ko. Kung magbabayad ka pwede ka ng makabalik sa trabaho,†wika daw ni Faundo.
Bumaba umano sa Php50,000.00 ang hinihingi ni Faundo sa kanya.
Nais ni Alfonso na magsampa ng kaso sa National Labor Relations Commission (NLRC) dahil sa pagkakatanggal sa kanya. Gusto niya ding makuha ang kanyang 13th month pay noong 2012, cash bond at separation pay.
Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES†sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat†ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 3:00pm-4:00pm at Sabado 11:00am-12nn) ang kwentong ito ni Alfonso.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, hindi masamang punahin kung may maling gawain ang isang kumpanya o tao ngunit kailangan natin itong idaan sa tamang proseso.
Maaari kang magreklamo ng diretso sa inyong opisina at ipaalam sa kanila ang iyong hinaing. Sila na ang bahalang mag-imbestiga kung may katotohanan nga ba ang iyong sinasabi.
Magpunta ka sa NLRC para magsampa ng kasong ‘Illegal Dismissal’ laban sa kompanya mo at isama mo na rin ang reklamo kung may mga benepisyo na hindi naibigay sa ‘yo.
(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854 o tumawag sa 6387285 at 7104038.