ABOT-KAMAY na ang inaasam na kapayapaan sa Mindanao at hindi na ito dapat pang madiskaril dahil lamang sa pansariling interes ng breakaway group. Nilagdaan na noong nakaraang linggo ang ikaapat at huling annex ng proposed peace deal ng gobyerno at Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Kuala Lumpur, Malaysia. Ang kasunod nito ay ang pagbubuo ng batas na magtatatag sa Bangsamoro political entity. Ang Bangsamoro ang papalit sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).
Inaasahang sa 2016 ay magkakaroon na ng lubos na kapayapaan sa Mindanao. Hudyat na tapos na ang apat na dekada ng labanan sa rehiyon at wala nang mamamatay na sundalo, rebelde at mga sibilyan na nadadamay o naiipit sa labanan. Tinatayang 150,000 ang namatay sa labanan ng mga sundalo at rebeldeng Muslim mula 1970.
Nagsimula ang usapan ang gobyerno at MILF noong Oktubre 7, 2012 nang buuin ang Framework Agreement ng Bangsamoro. Nilagdaan ito sa Malacanang noong Oktubre 15, 2012.
Pero kasabay sa paglagda ng framework agreement, tumiwalag ang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) na pinamumunuan ni Umra Kato at nagsagawa nang mga pagsalakay para sirain ang negosasyon ng MILF sa gobyerno. Noong nakaraang Martes, nagkaroon ng bakbakan ang mga sundalo at BIFF sa Rajah Buayan, Maguindanao at 40 rebelde na ang patay at 10,000 sibilyan ang lumikas para di madamay.
Inaasahan na ang ganitong sitwasyon. Ganito rin ang MILF noon habang binabalangkas ang ARMM. Tutol sila sa ARMM kaya humiwalay sa grupo ni MNLF chairman Nur Misuari. Nakipagbakbakan din sila sa mga sundalo at marami rin ang namatay sa kanilang hanay. Ngayo’y kakaiba na ang sitwasyon sapagkat sila na ang kausap ng gobyerno at positibo ang mga nangyayari. Parehong nagkakasundo kaya hindi na dapat masayang ang sinimulan. Hindi dapat madiskaril ang usapan dahil lamang sa maliit na grupo.