Tigilan na ang imbestigasyon!

MAITUTURING na mga “Boy Pasikat” at “Boy Epal” ang ilang senador at kongresista sa mga isinasagawang pagdinig sa Senado at Kongreso.

Mukhang may punto si Senate majority floor leader Allan Peter Cayetano na nais niyang itigil na ng mga mambabatas ang walang kapararakang imbestigasyon dahil wala namang positibong resulta.

Naobserbahan ko na ang Senado at House ay napakaraming iniimbestigahang usapin pero wala namang magandang resulta para sa interes ng publiko. Gaya na lang ng imbestigasyon sa jueteng operation. Ano na ba ang resulta ng imbestigasyon? Wala. Patuloy din ang jueteng na pinagkakakitaan ng mga tiwaling opisyal, pulitiko at maging ng Philippine National Police (PNP).

Ano na rin ang nangyari sa iniimbestigahang kaso nina retired general Carlos Garcia at Jacinto Ligot? Wala rin. Patuloy na nagpapasarap sa buhay ang mga sangkot sa anomalyang ito.

Napakaraming inimbestigahan pero walang nangyari at hindi nakapagpatibay ng mga batas ukol dito samantalang ang mga inquiry ay tinatawag na “in aid of legislation”.

Ngayon ay inimbestigahan ang pork barrel scam na kinasasangkutan ng negosyanteng si Janet Lim-Napoles, tatlong senador, mahigit 20 kongresista at mga opisyal ng gobyerno.

Huhulaan ko na walang mangyayari sa pork barrel scam. Kung umabot man ito sa korte, maiinip lang ang taumbayan at wala ring maibabalangkas na batas ukol dito.

Iniimbestigahan din ang rice smuggling at hula ko rin walang mangyayari rito. Kasi ang mga dapat na managot ay nakaposisyon sa gobyerno sa pangunguna ni Agriculture secretary Proseso Alcala. Si Alcala ang may saklaw sa NFA na nag-isyu ng import permit sa bigas.

Magtuturuan lang ang mga opisyal at kung sino ang mga malalakas at nakadikit sa pinuno ng bansa ay hindi makakasuhan o matatanggal sa puwesto.

Ang imbestigasyon sa sabwatan ng power generators na naging dahilan na pagtaas sa singil sa kuryente ay tiyak na wala ring mangyayaring resulta.

Kaya ang mga imbestigasyon sa Senado at House ay asahang walang mangyayari. Puro papogi lang ang mga mambabatas. Karamihan sa kanila ay mga “Boy Epal’’ at “Boy Pasikat”.

 

Show comments