‘Langis sa makina’

KALIMUTAN mong lagyan ang makina ng langis at gamitin mo araw-araw…matutuyuan ito, kakatok at bandang huli mabibiyak.

“Sagad-sagad siya sa bisyo nung araw… kaya din nagkaganito,” pahayag ni ‘Gilbert’ patungkol sa kanyang ama. Si Gilbert Magat ng Antipolo City ay isa lang mga taong lumalapit sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) para sa pangangailangang medikal ng kanilang mga mahal sa buhay. Ang programang “PUSONG PINOY” sa radyo ng PCSO, hosted by: Atty. Jose Ferdinand Rojas II o “Atty. Joy”--- General Ma-nager ng PCSO at Monique Cristobal ay katuwang ng PCSO para sa mga tulad ni Gilbert. Iba’t ibang uri ng sakit ang inilalapit sa programang ito at ang ilan dito’y sakit na sanhi rin ng pagpapabaya sa sarili o kaya’y bisyo.

Tulad ng nangyari sa ama ni Gilbert na si Pedrito Magat, 67 taong gulang.

Dating Overseas Filipino Worker sa bansang Kingdom of Saudi Arabia (KSA). Ika-20 ng Disyembre 2013, isinugod sa ospital ang kanyang ama. Nawalan ito ng malay at diniresto sa Intensive Care Unit (ICU). Dito nila nalamang may sakit na pala sa Kidney, may Pneumonia at Ulcer si Pedrito.

“Hindi naman siya regular na nagpapatingin sa ospital. Hindi rin mareklamo ang tatay. Biglaan lahat,” pahayag ni Gilbert.  Binigyan ng gamot si Pedrito at mga ‘anti-biotics’. Nalaman ding meron na siyang diabetes at sakit sa bato.

“Mild lang naman kaya madadaan pa daw sa gamutan,” ayon sa anak.

Ang pagsisigarilyo at pag-inom ang naiisip na dahilan ni Gilbert kung bakit naglabasan ang iba’t ibang uri ng sakit ng ama. Kwento niya, anim na taong makalipas inatake ito sa puso at dun lang siya tumigil sa bisyo. Sa ngayon, bumuti na ang lagay ni Pedrito at nakakatayo-tayo na. Ang problema nila ang pagkakautang nila sa ospital na aabot sa Php208,000. Binawas na ang PhilHealth at Senior Citizen Card sa halaga. Nakautang na rin si Gilbert subalit nasa Php71,000 pa ang kulang nila sa ospital. “Nanawagan po ako sa PCSO na matulangan kami para mailabas ang aking tatay sa ospital… sana matulungan niyo po kami,” panawagan ni Gilbert.

Inihihingi rin ng tulong ni Shirley Monton, taga Navotas ang amang si Valerio Colis, 63 taong gulang, dating construction worker. Kailangan i- ‘biopsy’ ang bukol na ni Valerio sa baga sa lalong madaling panahon at kailangan din siyang sumailalim sa ‘Chemotherapy’. Taong 2013, nang tubuan ng bukol sa bituka si Valerio. Tinanggal ito, matapos ma-‘biopsy’ nalamang ‘cancerous’ ang bukol at nasa Stage II na.

“Hindi na siya makadumi… may kasama ng dugo at nagsimula siyang lagnatin kaya namin siya sinugod sa ospital,” kwento ni Shirley.

Maliban sa biopsy sumailalim sa CTScan si Valerio. Dito nalamang may bukol din siya sa baga. Sa ngayon kailangan i- ‘biopsy’ ang bukol sa baga ng kanyang ama bago ito isailalim sa chemotherapy. Aabot sa halagang Php15,000 ang biopsy habang nasa Php30,000 ang bawat session ng chemotherapy. Bisyo rin, yosi at alak… ang tinuturong dahilan ni Shirley kung bakit tinubuan ng bukol si Valerio sa bituka at baga. “Sana matulungan niyo po na ma-biopsy ang tatay. Pati na rin sa kanyang chemotherapy,” kahilingan ni Shirley.

Sa edad na 23 taong gulang, nahaharap naman ngayon  sa sakit na Kidney Failure si Alfredo Maglaya Jr.—dating construction worker.

Inilalapit ni March Ian Maglaya, residente ng Pasay City ang pagda-‘dialysis’ ng kuya niyang si Alfredo. Buwan ng Mayo nung nakaraang taon, kagagaling lang ni Marc sa ospital dahil kakapanganak lang ng kanyang Ate nang maabutan niyang nagsusuka ang kapatid na si Alfredo. Sinugod ni Marc ang kapatid sa San Juan De Dios Hospital subalit inilipat rin sa National Kidney Transplant Institute (NKTI). Nalaman nila mula sa doktor na merong sakit sa bato si Alfredo. Agad siyang sinailaim sa dialysis.

“Pinayuhan agad kami ng doktor na kapag bumuti ang lagay niya. Ipa-transplant na siya sa lalong madaling panahon,” ayon kay Marc. Kwento ni Marc taong 2008 ng unang dalhin sa ospital ang kanyang kapatid. Nagkaroon ito ng leptospirosis, uri ng ‘bacterial infection’ na nakukuha sa ihi ng daga. Dito pa lang nalaman ng maliit ang isang bato ni Alfredo. Pinayuhan siya ng doktor na sumailalim sa ‘kidney transplant’ kapag ‘di umigi ang kanyang lagay subalit nadaan ito sa  ‘oral medicines’.

“Sinabihan siyang magpa-check up kada buwan pero ‘di na niya nagawa…kinailangan niyang pumasok sa konstraksyon,” kwento ni Marc. Tuluyang napabayaan ni Alfredo ang kanyang kalagayan. Kaya kasalukuyang siyang nagda-dialysis tatlong beses sa isang araw. Maliban sa dialysis, nais ring ipa-transplant nila Marc ang kapatid kaya’t nagpunta siya sa programang “PUSONG PINOY”.

“May donor na po kami. Ang pinsan ko sana pero ‘di pa maisagawa ang matching dahil kapos kami sa pera. Sana matulungan po kami ng PCSO,” panawagan ni Marc.

“Kailangan talaga ng tamang pangangalaga sa ating kalusugan. Lagi naming sinasabi na mahal magkasakit. Kaya naman sa mga katulad ng mga pasyenteng lumalapit sa amin na walang kakayahang magpagamot, nandito ang PCSO… ang programang “PUSONG PINOY” para kayo’y tulungan  sa inyong problemang medikal. Huwag kayong mawalan ng pag-asa,” wika ni Atty. Joy Rojas.

Ilan lamang sina Marc, Gilbert at Shirley sa mga lumapit sa programang “PUSONG PINOY”. Mapapakinggan ang kabuuan nilang istorya at ng iba pang pasyente tuwing SABADO, 7:00-8:00 ng umaga sa programang “PUSONG PINOY” dito lang sa DWIZ 882, AM BAND.

SA GUSTONG HUMINGI NG TULONG para sa inyong problemang medikal magpunta lang sa address at magtext sa mga numero sa ibaba. Magdala lang kayo ng kopya ng inyong updated medical abstract. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig. O magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854.  O tumawag sa 6387285 / 7104038. Bukas kami Lunes-Biyernes.

Show comments