Uok (28)

“NAKITA ko ang kuwintas malapit sa ila­lim ng batalan. Ang suspetsa ko, nahulog yun sa naliligo roon. Tiyak na sa babaing naliligo at hula ko sa anak ni Uok,” sabi ni Tiyo Iluminado.

“Kinuha mo Tiyo?” ta­nong ni Drew.

“Oo. Mukhang mama-halin. Saudi gold kasi.’’

“Paano mo nalamang Saudi gold, Tiyo.’’

“Ipinasuri ko sa alahasan sa bayan. Mamahalin daw yun. Kung isasangla ay baka mga P5,000.’’

“Mahal nga, Tiyo.’’

“Kaya nga nang gibain ang bahay na iyan nang sumunod na linggo, at parang ikinalat at delikado para sa akin, okey na rin dahil may kuwintas naman ako.’’

“Hindi mo sinabi kay Tiya?”

“Hindi. Ikaw lang ang pinagsabihan ko. Kaya huwag mong ikukuwento kay Tiya mo. Pag nalaman ay tiyak na ninerbiyusin yun at baka ipasauli sa may-ari. E kanino ko naman isasauli?  Sure ba na sa babaing anak ni Uok ang kuwintas? Malay ko kung noon pa nawala ang kuwintas. Kailan lang naman nagbakasyon ang anak ni Uok diyan.’’

“Ano po ang gagawin mo sa kuwintas?”

“E di nakatago.”

Napatangu-tango si Drew. Nag-iisip.

“E kung bilhin ko na lang sa’yo Tiyo? Five thousand.’’

Nagtawa si Tiyo Iluminado.

“Ba’t mo naman bibilhin sa akin?”

“Wala lang. Gusto ko lang.’’

“Baka naman may pagbibigyan ka. Sa siyota mo siguro ano?”

“Wala, Tiyo.’’

“Naku, ikaw pa ang mag­lilihim. May siyota ka na siguro uli at gusto mo regaluhan.’’

“Wala po.’’

“Sige kung ayaw mong magtapat e di huwag.’’

“Ipagbibili mo sa akin, Tiyo?”

“Teka at kukunin ko.’’

Pumasok sa kuwarto nila si Tiyo Iluminado. Paglabas dala na ang kuwintas. Maganda. Manilaw-nilaw ang pagka-ginto. Saudi gold nga.

“Maganda nga Tiyo.’’

“Sabi ko nga sa’yo.’’

Dinukot ni Drew ang pitaka. May P5,000 siya sa bulsa. Kinuha niya at iniabot kay Tiyo.


“Langyang bata ito at babayaran nga ako. Huwag na! Sa’yo na ‘yan!”

(Itutuloy)

Show comments