Uok (22)
HINDI maaaring magkamali si Drew. Ang babaing nanonood sa nagsasalita sa stage ay walang iba kundi ang anak ni Uok. Maliwanag na maliwanag. Nakatagilid ang babae kaya nakikita niya ang magandang mukha nito.
Bakit narito ang babae? Aktibista pa yata. Mahilig makinig sa mga rally. Ang alam niya, ang mga nakikinig sa ganitong rally ay kabilang sa mga makakaliwa. Basta ganun ang paniwala niya. Napakinggan niya ang sinasabi ng nagsasalita sa stage. Tungkol sa pagtataas ng tuition ang tinatalakay. Hindi dapat itaas ang tuition fees. Hanggang sa may marinig siyang ibagsak ang gobyerno. Palayasin ang mga Kano!
Muli niyang tiningnan ang babae. Lumapit pa ito sa harap ng stage na parang inoobserbahan ang mga nangyayari. Hindi hinihiwalayan ni Drew ng tingin ang babae. Nakipagsiksikan siya para makalapit pa sa babae.
Pero nagkaroon ng pagkakagulo sa dakong kaliwa ng stage. Mayroon daw nakasiÂngit. Huwag daw pasingitin. Kinabahan si Drew, baka kaya mapagkamalan siya. Kaya lang siya naroon ay dahil curious siya sa ginagawang rally. Bilang estudyante ng political science, gusto niyang makakita ng mga kaganapan sa rally. Pero hanggang doon lang. Wala siyang hilig sa pakikibakang sinasabi ng mga raliyista.
Nagkatulakan na. Delikado na. Baka nga may mga infiltrator dito. Guguluhin ang rally. Pag nagkagulo, darating ang riot police at tiyak, gulo na nga. Baka may maghagis ng tear gas.
Nang tingnan niya ang lugar na kinaroroonan ng babae, wala na ito roon. Baka napasama sa agos ng tao dahil sa pagtutulakan. Gusto man ni Drew na hanapin ang babae, hindi na puwede. Wala siyang dadaanan dahil dumami pa ang mga tao. Dagat na ng tao na nagtutulakan dahil mayroon daw nanggugulo.
Kailangang iligtas ni Drew ang sarili. Ayaw niyang mapahamak sa ganitong sitwasyon. Marami pa siyang ambisyon. Maaari pa rin naman niyang makita ang anak ni Uok.
Nang makalabas si Drew sa dagat ng tao, basang-basa ang kanyang damit. Humantong siya sa isang eskinita na malapit sa Recto Avenue. Doon siya natangay ng agos ng tao. Hindi na siya uulit.
(Itutuloy)
- Latest