Huwag pasaway!
Bukas pa man ang bisperas sa pagsalubong sa Bagong Taon, aba’y mahigit na sa 100 ang sinasabing nabiktima ng mga paputok.
Base sa monitoring ng Department of Health at ng PNP halos araw –araw pagpasok pa lang ng buwan ng Disyembre eh pataas nang pataas ang bilang nang nadadale ng paputok araw-araw, habang patuloy din naman sa pagtaas ang nagiging biktima ng ligaw na bala.
Kung ikukumpara umano sa kaparehong panahon noong nakalipas na taon, mas mataas ng 20 ang bilang ng fireworks related injuries ngayong taong ito. Ito ay sa kabila na hindi pa sumasapit ang bisperas o pagsalubong mismo sa Bagong Taon.
Mula Disyembre 21 hanggang Disyembre 28, lamang, umabot ng 170 ang bilang ng mga nadale ng paputok, habang umaabot na sa siyam ang kaso ng tinamaan ng ligaw na bala.
Inaasahang patuloy pa itong tataas hanggang sa maghapon ngayon at hanggang bukas at maging hanggang sa unang araw ng 2014.
Ibig lang sabihin marami pa talaga ang matitigas ang ulo na nakikipagsapalaran sa paggamit ng mga ilegal at malalakas o mapanganib na paputok.
Marami pa rin ang mga pasaway na walang pakundangang nagpapaputok ng baril.
Naku naman, sana naman ay maging responsable kayo.
Isipin sana lagi na ang balang pakakawalan ay kahit sino ay pwedeng tamaan.
Marami nang masasakit na insidente dahil sa indiscriminate firing ang naganap sa nagdaan, sana ay huwag na itong maulit, sana ay wala nang may magbuwis pa ng buhay.
Masalubong natin ang Bagong Taon na mapayapa at ligtas.
Ingat ang lahat.
Muli po ngayon pa lamang ay bumabati na ako sa inyo ng HAPPY NEW YEAR.
- Latest