Sinaunang babae
IPINALALAGAY sa genetic study ng grupo ni Dr. Sarah Tishkoff ng University of Maryland na namuhay sa Tanzania o Ethiopia ang sinauna o ninunong babae ng tao. Sa Hadar, Ethiopia natagpuan ang labi o fossil remains ng A. Afarensis (Lucy) na posibleng ninuno ng tao. Lumilitaw sa genetic study na makikita sa mga East African ang pinakamatandang mga lahi ng tao. Kabilang sa pinakamatandang populasyon yaong mga tribong Sandawe, Burunge, Gorowaa at Datog na namumuhay sa Tanzania. Pinuna ng geneticist na si Dr. Spencer Wells na ipinapahiwatig ng mga ebidensiyang nagmumula sa mga isinagawang DNA test na ang East Africa ang pinagmulan ng sangkatauhan.
• • • • • •
May gravity ba sa kalawakan? Ayon sa isang ulat ng space.com, kung walang gravity sa kalawakan, lumutang na sana palayo sa daigdig ang Buwan at magkakawatak-watak ang lahat ng bagay sa Solar System. Humihina lang at hindi umano nawawala nang ganap ang gravity kahit gaano ang layong nilalakbay mo sa kalawakan. Ganito rin ang kaso sa tinatawag na black hole sa pusod ng kalawakan. Nahihigop nito ang anumang bagay na lumalapit dito pero hindi nito nagagawang hatakin ang anumang nasa malayong distansya.
• • • • • •
Isang grupo ng mga makata sa Sweden ang naisipan umanong magpadala sa kalawakan ng kanilang mga tula sa pamamagitan ng radio kamakailan. Nais nilang makipag-ugnayan sa mga “alien†sa pamamagitan ng kanilang mga obra at para na rin matikman ng mga ito ang literature ng daigdig. Tinutukan ng radio signal na nagdala ng kanilang mga tula ang Vega na isang pinakamaliwanag na bituin sa Lyra constellation na 25 light years ang layo mula sa Daigdig. May kalahating siglo pa ang kailangang magdaan bago mabasa ng mga Alien ang kanilang mga obra!
• • • • • •
Masamang signos daw para sa mga Intsik at Hapon ang number 4 at nakakasama sa kanilang kalusugan ang sobrang pangamba sa pamahiing ito. Sa isang pag-aaral ng mga researcher ng University of California, lumilitaw na maraming Intsik at Hapones sa U.S. ang namamatay sa atake sa puso tuwing ikaapat ng buwan dahil sa epekto ng paniniwala sa naturang pamahiin. Ito raw ang paliwanag kaya maraming hotel at ospital sa China at Japan ang umiiwas sa naturang numero. Napuna rin na walang makikitang eroplanong panggiyera ang China na may number 4.
- Latest