K AHAPON ay nagkaroon ng press conference sa Malacañang at sinabi ni Presidential Spokesman Sonny Coloma na ginagawa na ng pamahalaan ang pamamahagi ng relief goods sa mga nabiktima ng bagyong Yolanda. Ginagawa raw ng pamahalaan ang lahat para mabigyan ng tulong ang mga biktima. Ito ay pagkaraan ng anim na araw mula nang manalasa si Yolanda sa Visayas region noong Nobyembre 8. Grabeng pininsala ang mga bayan at lungsod sa Leyte, particular na ang Tacloban. Napinsala rin ang Eastern Samar. Aabot umano sa mahigit 2,000 ang patay sa Yolanda.
Binabatikos ang pamahalaan sa mabagal na pagkilos sa pamamahagi ng relief goods. Sa Tacloban, marami ang umiiyak at halos panawan ng katinuan sapagkat apat o limang araw nang hindi kumakain. Kahapon, marami ang naglabas ng sama ng loob at ngitngit sapagkat pakiramdam nila, kinalimutan na sila ng gobyerno. Nang magtungo roon si DILG secretary Mar Roxas, sinabi nila lahat dito ang nadarama sa hindi agarang pagkilos ng pamahalaan para sila matulungan. Sabi naman ni Roxas, hindi sila kinalilimutan ng pamahalaan. Hindi raw agad nakarating ang tulong sapagkat walang madaanan ang mga trak. Hindi raw passable ang mga daan sapagkat may mga nakaharang na poste, punong kahoy at iba pang debris. Pero sabi ni Roxas, parating na raw ang mga relief goods. Ginagawa ng pamahalaan ang lahat nang paraan.
Ngayon ang ika-pitong araw mula nang manalasa si Yolanda. At ngayon pa lang din nakakatikim ng tulong ang mga biktima. Kung hindi pa binatikos na mabagal ang pagkilos ay hindi gagawa ng paraan para makarating sa mga biktimang nalugmok. Kung hindi pa naipakita ng foreign media (CNN at BBC) ang mga nangyayaring kabagalan ay hindi magkukumahog ang mga opisyal ng gobyerno. Kung hindi pa pinaltik ay hindi gagalaw nang ayos.
Wala nang silbi ang damo dahil patay na ang kabayo.