Looting at ang missing na mga pulis
Hindi na umano nakapagtataka na tumindi ang looting o nakawan sa ilang lugar na matinding sinalanta ng bagyong Yolanda, partikular sa Tacloban City, Leyte at Samar dahilan sa daang pulis pala doon ang hindi pa nakakapag-report sa kanilang trabaho at idineklarang ‘missing’ matapos ang naganap na delubyo.
Sa isinagawang accounting ng PNP sa mga personnel sa PRO 8, ilang araw matapos ang hagupit ng bagyong si Yolanda, aba’y 34 lamang ang nagreport at bumalik sa trabaho sa kabuuang 983 pulis sa region.
Ibig lamang sabihin malaking bilang pa ang hindi alam kung nasaan pa.
Malamang na biktima rin at maging ang pamilya ng mga ito na marahil ay kanilang uunahin.
Hindi nga malaman kung ano na ang nangyari sa mga ito.
Patungkol sa nangyayari namang matinding nakawan, hindi na rin naman masisisi ang marami nating kababayan.
Survival na ang nagiging labanan ng mga residente sa naturang lugar, lalo pa nga’t nakakaramdam na sila ng matinding gutom dahil sa hindi maabut-abot na relief.
Sa kabila nang pahayag ng pamahalaan na mahinahong maghintay dahil na rin sa hindi agad madala ang mga relief dahil nga sa mga saradong daanan, ito naman ang hindi maunawaan ng marami nating apektadong kababayan.
Tanong nila, bakit daw maÂging ang mga remote na lugar na lubhang sinalanta ng bagyo ay natutukoy ng media, bakit hindi ito matukoy o mapasok ng tulong ng pamahalaan?
Marami na ang nagpaabot at nagpapaabot pa ng tulong hindi lamang buhat sa mismo nating mga kababayan, kundi maging sa international community, pero lumalabas na sa ngayon ay tanggap pa lamang nang tanggap, pero ang distribution ay lubhang napakabagal.
Mukhang sa puntong ito, dito may problema o may pagkukulang kung sinuman.
Balitang-balita maging sa ibang nasyon o bansa ang dinanas na trahedya ng bansa, na doon naipapakita ang kahabag-habag na kalagayan ng ating mga kababayan.
Ang mga scenario na ito ang pumukaw sa damdamin ng marami kaya dumagsa at patuloy na dumadagsa ang tulong sa Pinas, sana ay maipakita naman ng pamahalaan na nasa ibabaw sila ng sitwasyon para ang ating mga kababayan naman ay tuluyang makabangon.
- Latest