NOONG nakaraang taon, maraming trak ng basura ang nakolekta sa Manila North CemeÂtery makaraang gunitain ang Araw ng mga Patay. Karamihan sa mga nakuhang basura ay mga supot na plastic, cup ng noodles, botelya ng mineral water, soft drinks, styro, sachet ng kape, ketsup, tray ng mga bulaklak, mga patpat ng kawayan na pinagpatungan ng litson, at marami pang basura na hindi natutunaw. Ang mga basurang nabanggit ay walang pakundangang iniwan ng mga taong nagsidalaw sa kanilang mga mahal sa buhay na nakahimlay sa Manila North Cemetery.
Pero hindi lamang sa North Cemetery maraming naiwang basura kundi sa iba pang mga sementeryo sa buong bansa. Namulaklak ang mga basura na para bang isinabog sa lugar na hinihimlayan ng mga namayapang mahal sa buhay. Kung makababangon at makapagsasalita lamang marahil ang mga namayapa, baka masasakit na salita ang pakawalan sa mga nagkalat ng basura sa kanilang nagsisilbing tahanan.
Sa Biyernes ay muling gugunitain ang Araw ng mga Patay at maaaring maulit ang nangyari noong nakaraang taon. Tiyak na marami na namang basura ang iiwan sa mga sementeryo sa buong bansa. Pawang mga plastic na basura na hindi natutunaw at magbabara sa mga daanan ng tubig na magiging dahilan nang pagbaha.
Kapag hindi naging disiplinado ang mga magtutungo sa sementeryo sa pagtatapon ng basura, tiyak na marami na namang trak ng basura ang makokolekta.
Maaari namang dalhin pauwi ang basura. Ibalot lang ang mga ito. Kung ganito ang gagawin, malaking kabawasan sa problema ng pagbaha. Napatunayan na ang mga basurang plastic ang bumabara sa mga drainage. Tumatagal ito at hindi natutunaw kahit ilang taon ang magdaan. Maging disiplinado sana ang mga taong dadalaw sa mga sementeryo.