Multo at bampira ‘uso’ na naman
Malapit na ang Undas kaya uso na naman ngayon ang mga multo, zombie, bampira, aswang, tiyanak, manananggal at iba pang mga maligno. Paboritong paksa iyan sa telebisyon at kalimitan may mga pelikulang horror na naglalabasan kapag ganitong panahon. Kung totoo ang mga ito o hindi, ipinauubaya na ng mga nagkukuwento o nagpapalabas sa mga viewer ang desisyon. Ano nga ba ang totoo?
Sabi nga ni Benjamin Redford (isang miyembro ng isang Committee for the Scientific Investigation of Claims of the Paranormal) sa isa niyang artikulo sa website ng LiveScience.Com, wala pang matibay na ebidensya na totoo ang mga multo. Batay anya sa pananaliksik, lumilitaw na ang sinasabing mga multong nakukunan ng litrato ay malalabo at di-matukoy na mga imaheng hugis-tao at nagniningning na white blobs o orbs. Para kay Redford, maniniwala lang siya sa mga multong nakukunan ng litrato kapag may nakapagpalitaw ng litrato nina Benjamin Franklin, William Shakespeare at ng iba pang mga taong nabuhay noong panahong hindi pa naiimbento ang camera.
Ayon naman kay Physics Professor Costas Efthimiou ng University of Central Florida (United States), naubos na sana noon pa man ang sangkatauhan kung totoong nagiging bampira rin ang mga nabibiktima ng bampira. Inihalimbawa niya ang panahon ng taong 1600 na sinasabing unang pinaglitawan ng bampira dahil sa panahon ding ito unang naglitawan ang mga nakasulat na kuwento hinggil sa mga malignong ito. Kung 537 milyon ang populasyon ng multo nang panahong iyon at nagsimulang manipsip ng dugo ng isang tao ang unang bampira noong Enero ng taong iyon, lahat na sana ng tao ay naging bampira sa loob lamang ng dalawa at kalahating taon. Kahit dumoble pa ang populasyon ng tao, tuluyan na sanang napuksa noon pa ang sangkatauhan kung bawat buwan ay may taong nagiging bampira.
- Latest