MORAL at legal daw ang pamimigay ng P10 milyon bonus sa mga opisyal ng SSS, ayon sa president at CEO nito na si Emilio de Quiroz.
Pero aprub kaya ito sa mga maralitang miyembro ng SSS na hirap na hirap sa malaking kaltas sa kontribusyon?
Ayon kay De Quiroz, hindi lang daw mga opisyal bagkus ay kasama rin ang mga empleyado ng SSS na nakatanggap ng bonus batay sa magandang performance. Aprubado umano ito ng Governance Commission on Government–owned and controlled Corporations .
Heto ang masaklap at tiyak na mag-aalburuto ang SSS members dahil matapos ang pamumudmod ng milyon pisong bonus, tataas ang kontribusyon sa 2014.
Pinagpapasasaan ba ng mga opisyal ng SSS ang pera ng mga miyembro? Kung maganda ang performance sa panga-ngasiwa nito at kumita raw ang korporasyon, bakit kailangang magdagdag pa ng kontribusyon.
Kung maayos ang performance ng SSS, hindi kontribusyon ang idagdag kundi benepisyo sa mga miyembro at pensiyonado. Mahirap unawain ang mga katwiran ni De Quiroz na makatarungan daw ang ginawang pamumudmod ng P10 milÂyong pisong bonus.
Hindi nararapat ang pagbibigay ng bonus. Dapat kinunsulta muna ito sa mga miyembro ng SSS. Mabuti kung talagang napakagaling ng performance ng SSS sa miyembro at walang nagrereklamo sa pagbibigay ng serbisyo.
Araw-araw, marami ang naiirita sa tanggapan ng SSS dahil sa napakabagal ng proseso sa mga nagsa-salary loan at iba pang pautang. Napakasama rin ng serbisyo ng SSS dahil sa pag-aaplay pa lamang ng ID ay tatagal ng tatlo hanggang anim na buwan.