EDITORYAL- Imbestigahan muna bago pagretiruhin
ILANG buwan makaraang kumalat ang video ni Land Transportation Office (LTO) chief Virginia Torres na naglalaro sa slot machines sa casino, ipinahayag niya noong Lunes na magreretiro na siya sa puwesto. Hanggang Oktubre 31 na lamang siya. Nagsilbi umano siya ng 33 taon sa pamahalaan. Ini-appoint siya ni President Aquino noong 2010. Dati siyang head ng LTO-Tarlac bago na-appoint sa kasalukuyang posisyon. “Kabarilan’’ siya ni P-Noy.
Ayon kay Torres, na-setup daw siya sa mga nagÂlabasang video habang nasa harap ng slot machine. Nang unang lumabas ang video, itinanggi ni Torres na naglalaro siya sa slot machine. Tiningnan lang daw niya ang mga ilaw sa monitor. Pero nang may mga sumunod pang video na nakataas ang mga paa niya habang nasa harap ng monitor, tumibay ang paniniwala nang marami na talagang naglalaro o nagsusugal ang LTO chief.
Mahigpit na ipinagbabawal sa mga opisyal ng gobyerno ang pagpasok sa mga bahay-pasugalan gaya ng casino. At mas lalong bawal ang pagsusugal. Mapaparusahan ang sinumang lumabag sa kautusang ito na pinirmahan ni dating President Gloria Arroyo. Masisibak sa puwesto ang mga opisyal ng gobyerno na mapapatunayang nagsugal.
Ang malaking katanungan ngayon ay kung iimÂbestigahan pa si Torres makaraang ihayag ang pagÂreretiro. Dapat lang na imbestigahan siya bago pagretiruhin. Hindi naman nakasaad sa batas na hindi na iimbestigahan ang mga magreretiro. Kailangang malaman ang katotahanan sa isyu lalo pa’t sinabing na-setup lang siya. Sino ang nag-setup sa kanya?
Sa pagreretiro ni Torres, maaaring magkaroon ng pagbabago sa LTO. Maaaring mapabilis ang issuance ng plaka at sticker ng mga sasakyan. Marami nang nagrereklamong motorista na noon pang Marso at Abril sila nagparehistro ng kanilang sasakyan subalit hanggang ngayon ay wala pang plate number.
Nirereklamo rin ang mabagal na issuance ng dri-ver’s license na inaabot ng dalawa hanggang tatlong oras. Dati, kalahating oras lamang ay tapos na ang ID.
Sa pagkakataong ito, hindi na sana magkamali sa paglalagay ng bagong LTO chief.
- Latest