Lampong (424)

“PAANO mo nakilala ang Franc na iyon, Jinky?” tanong ni Dick sa asawa. “Naguguluhan kasi ako kung paano ka napunta sa Miguelin. Anong nangyari?”

Napatungo si Jinky. Maya-­maya ay umiyak. Mahina lang.

Niyakap siya ni Dick.

“I’m sorry, Jinky. Sorry kung nasaktan kita sa tanong ko. Patawad.”

“Patawarin mo ako, Dick. Kasalanan ko kung bakit napunta rito sa Maynila at napadpad sa Miguelin. Ako ang kusang nagtungo roon at hinanap ang bahay ni Franc.”

“Para ano?”

“Kasi’y birthday niya at naghanda raw siya. Totoo namang may handa pero ang hindi ko akalain may masama pala siyang balak. Yun pala’y pinlano niya ang lahat para ako magantihan.”

“Paano kayo nagkakilala ng Franc na iyon? Iyong si­mula ng inyong pagkikilala.”

Ikinuwento ni Jinky. Mula nang makita itong naliligo sa sapa at naiwan ang beltbag. Sunod ay ang paghahanap sa bahay nito sa bayan ng Socorro kung saan ay ang kapatid nitong lalaki ang nakilala niya. Nang muling bumalik sa bahay, wala na ang kapatid na lalaki at si Franc na ang naroon. Hanggang sa anyayahan sa birthday nito na hindi naman natuloy dahil maysakit daw ang ina. At pinasya ni Jinky na sorpresahin ito kaya lumuwas ng Maynila pero siya pala ang sosorpresahin. Siya pala ay gagahasain at papatayin.

“Nagkagusto ka sa kanya, Jinky?” Tanong ni Dick pero mahinahon.

“Paghanga lang. Kasi’y basta mo ako iniwan. Pero walang nangyari sa amin, Dick. Maniwala ka.’’

“Hindi ka ba nagahasa?”

“Hindi. Pinagtanggol ko ang sarili. Nasaksak ko pa nga siya sa braso.’’

Naniwala si Dick.

“Patawarin mo ako, Dick.”

Niyakap ni Dick si Jinky.

Si Dick naman ang nagtapat ukol sa green capsules at ang pagkakabenta ng one fourth ng itikan kay Mr. Chan. Sinabi niyang nasa probinsiya na si Mr. Chan.

Pinatawad din naman siya ni Jinky.

Maya-maya nag-ring ang phone ni Dick. Si Mulong ang nasa kabilang linya.

“Dick, inuubos na ni Mr. Chan ang mga itik. Wala akong magawa. Mga armado ang tauhan niya!”

“Hayup talaga ang Tsinoy na yun.”

“Anong gagawin ko?”

Kinunsulta ni Dick si Jinky. Payo ni Jinky, ha­yaan na raw. Ubusin na kung ubusin ang mga itik. Para wala na raw gulo.

(Itutuloy)

Show comments