Lampong (417)

“MATAGAL kong pin­lano ito at magtatagumpay pala ako, ha-ha-ha!” sabi ni Franc at mistulang baliw na dinampot ang kitchen knife sa mesa. “Akala n’yo siguro makakalimutan ko ang ginawang pagpatay sa daddy ko. Ikaw at ang hinayupak mong asawa ang sisingilin ko.’’

“Nagtanggol lang kami sa sarili. Papatayin din kami ng daddy mo.’’

“Huwag ka nang magpa­liwanag pa dahil wala na ring halaga. Pero dapat mong malaman na matagal ang ginawa kong pagsubaybay sa inyong mag-asawa para lamang maisagawa ang paghihiganting ito. Alam mo bang madalas ko kayong subayba­yan. Maski nang ikasal kayo ng hinayupak mong asawa, naroon ako, ha-ha-ha!’’

Nagbalik sa isip ni Jinky ang tagpong iyon na araw ng kasal nila ni Dick. Nakita nga niya si Franc noon. Nagtataka na siya noon dahil hindi ito imbitado pero naroon. Tinanong niya si Dick kung kilala ang lalaking bisita pero hindi raw. At ang sabi ni Dick maski sa bayan daw ay nakikita niya ang lalaki na walang iba kundi si Franc. At marahil si Franc din ang nakita ni Mulong.

‘‘Pinlano ko rin ang paliligo sa sapa. Tiyak na makikita mo ako. At hindi lang nakita kundi binosohan mo pa, ha-ha-ha! Alam ko, sabik na sabik ka nang makita ang ‘itinatago’ ko, ha-ha-ha! Pero ngayon hindi mo lang makikita kundi matitikman mo pa, ha-ha-ha.’’

Lumapit si Franc. Naka-brief na ito. Nakangisi. Baliw na nga yata.

Humanda si Jinky. Kaila­ngang makalabas siya sa bahay na ito. Kailangan.

Bigla siyang tumayo. Saka tumakbo patungo sa pinto. Tatakas siya.

“Hindi ka makakalabas!’’

NANG mga sandali namang iyon ay nasa kalye pa ang mga tambay sa harap ng bahay ni Franc. Nagkukuwentuhan ang mga ito. Ang mga tambay na nakatingin kay Jinky noon nang pumasok ito sa bahay ni Franc.

At sa may dulo ng Miguelin St. sa kanto ng Simon ay naroon sa bahay ni Rey si Dick. Si Rey ang taga-BFAD na sumuri sa green capsules. Peke ang green capsules. Nag­kukuwentuhan sila sa rooftop ng bahay ni Rey. Tanaw nila mula roon ang kahabaan ng Miguelin St.

(Itutuloy)

 

Show comments