MAHABA ang listahang inilabas ng Commission on Audit (COA) ukol sa mga mambabatas at kanilang mga kamag-anak na nakatanggap ng fund transfer mula sa Priority Development Assistance Fund (PDAF). Naganap umano ang fund transfer mula 2007 hanggang 2009. Maraming mambabatas ang nabanggit at may kabilang sa administration. Nang magsagawa ng imbestigasyon ang Senate blue ribbon committee ukol sa P10-billion pork barrel scam, muling nabanggit sa COA report ang mga pangalan ng mambabatas na nakinabang sa PDAF. May mga mambabatas na kabilang sa administrasÂyon gaya nina Joel Villanueva, Neil Tupas, dating senador Edgardo Angara, Senate Minority Leader Alan Peter CayeÂtano, House Majority Leader Neptali Gonzales II at iba pa.
Pero nang sampahan ng DOJ at NBI ng kasong plunder at malversation ang 38 tao kaugnay sa pork barrel scam, nakapagtatakang walang nasampahan ng kaso sa mga nabanggit na mambabatas. Tatlong senador ang kinasuhan na kinabibilangan nina Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada at Ramon Revilla Jr. Sinampahan din ng kaso ang ‘‘utak’’ ng pork barrel scam na si Janet Lim-Napoles.
Bakit walang nasampahang mambabatas na ka bilang sa administrasyon? Pinili lang ang mga kalaban? Kung babalikan ang mga sinabi ng DOJ at ni Presidente Aquino, sinabi nila na walang partisan dito. Walang sasantuhin kahit mapa-administrasyon ang nagkasala. Mapaparusahan daw ang lahat nang may kasalanan.
Pero sa nangyayari na mga kalaban ang nadidiin at laging laman ng balita, parang hindi totoo na walang sasantuhin sa nangyaring anomalya. Sabi naman ng DOJ, mayroon pa raw second batch na sasampahan ng kaso. Marami pa raw sangkot sa scam at inihahanda na ang kaso.
Sana nga para hindi mapaghinalaan ang administrasyon na mayroong pinipiling kasuhan. Aabangan ng mamamayan ang mga susunod na kakasuhan.